Kabayan goodbye na sa mga programa sa ABS-CBN, tatakbong senador sa 2022
Noli de Castro
MAKALIPAS ang halos 12 taon, muling sasabak sa mundo ng politika ang veteran broadcast journalist at news anchor na si Noli de Castro.
Tatakbo uli siyang senador sa darating na May, 2022 elections sa ilalim ng Aksyon Demokratiko kung saan magiging katiket niya ang presidentiable na si Manila Mayor Isko Moreno.
Kaninang umaga, nagpaalam na si Kabayan sa programa niya sa ABS-CBN at sa Teleradyo, “Sorry to say na ito ho ang huling araw ko na rito sa TeleRadyo for so many years, at kami ho’y nagpapasalamat sa mga nakasama ko rito.”
Pagpapatuloy pa niya, “Ako po’y makikipagsapalaran sa bagong uri ng panunungkulan o public service pero tuluy-tuloy ho ang ating public service.
“Medyo itong pagkakataon na ito, e, mas magiging malawak na po ang isasagawa kong public service kung susuwertehin sa tulong na rin po ninyo,” bahagi pa ng pagpapaalam niya sa publiko.
Kung matatandaan, naging senador si Kabayan noong 2001 at nag-number pa sa botohan. Pagsapit ng 2004, tumakbo siyang vice president at muling nanalo kasabay ng pagsisilbi ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bumalik siya sa pagiging news anchor noong 2010 pagkatapos ng kanyang termino.
Pahayag pa ng beteranong broadcaster, “Ang malungkot ho, aalis ako dito na wala pa rin kaming prangkisa.
“At sana’y dumating ang pagkakataon na lahat ho ng mga natanggal sa ABS-CBN ay makabalik na, napakarami ho niyan.
“Libu-libo na mga kasamahan namin dito sa ABS-CBN na dati-rati, kapag may prangkisa pa kami nu’n, araw-araw ho nagbabatian kami dito.
“Ngayon po, wala nang bumabati sa akin. Wala na rin akong mabati dahil kung minsan maglalakad ako dito, wala kang makakasalubong. Parang ghost town ang nangyari sa ABS-CBN.
“At sana po ay makabawi kami sa mga darating na taon sa pamamagitan po ng inyong mga panalangin na magbago ang ihip ng hangin sa mga congressman na uupo bilang mga bagong kongresista sa bagong Kongreso sa 2022,” mensahe pa ni Kabayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.