Tracy Perez ng Cebu waging Miss World PH 2021; bangon agad matapos matumba sa ‘first walk’
Tracy Maureen Perez
“ARIBA, Cebu!”
Pagkatapos magwagi ni Bea Gomez bilang 2021 Miss Universe Philippines, isa pang Cebuana beauty queen ang kinoronahang Miss World Philippines ngayong taon.
Si Tracy Maureen Perez ng Cebu ang nanalong Miss World Philippines 2021 sa ginanap na grand coronation kagabi sa Subic Bay Convention and Exhibition Center, sa Subic Bay Freeport Zone, Olongapo, Zambales.
Tinuhog nga nina Bea at Tracy ang pagkapanalo dalawang pinakabonggang national pageant sa bansa kaya naman siguradong nagpipiyesta ngayon ang mga Cebuano sa tagumpay ng kanilang mga kababayan.
Marami namang viewers ang nag-alala pati na ang mga kapwa kandidata ni Tracy sa Miss World 2021 pageant nang madulas at bumagsak siya sa stage para sa kanyang “first walk” bilang reyna.
Kitang-kita sa camera ang pagbagsak ni Tracy na talagang ikina-shock ng kanyang mga kasamahan. Kasunod nito, malaglag din ang suot niyang korona.
Ngunit agad din namang nakatayo ang dalaga at ipinagpatuloy ang paglalakad nang parang walang nangyari.
Ilan sa mga naiuwing premyo ni Tracy ay ang mga sumusunod: P500,000 cash prize, P2-million worth management contract with Arnold L. Vegafria talent management at P500,000 (movie contract).
Sa question and answer portion, natanong siya kung ano ang dapat matutunan ng sambayanan sa nangyayaring pandemic sa buong mundo.
“After this pandemic, I hope that we never take for granted the family that we have, taking care of our health, and taking care of the people that protect us, our leaders, our frontliners.
“We should always give importance to those people. We may not see the efforts that they give out, but most definitely, they are our modern heroes and for that, we should always be grateful and we should always stick with them and pray for them,” sagot ni Tracy na siyang magiging kandidata ng bansa sa 70th Miss World pageant sa December na gaganapin sa Puerto Rico.
Narito ang iba pang Miss World Philippines 2021 winners:
Miss Supranational Philippines, Dindi Pajares
Miss Eco Philippines, Kathleen Paton
Reina Hispanoamericana Filipinas, Emmanuelle Vera
Miss Tourism Philippines, Trisha Martinez
Miss Environment Philippines, Michelle Arceo
Miss Multinational Philippines, Shaila Robertera
Miss Eco Teen Philippines, Tatyana Austria
First runner-up, Riana Pangindian
Second runner-up, Ganiel Krishnan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.