Vice Ganda: Ano kayang nararamdaman ng mga anak ng corrupt officials?
HINDI napigilan ng Unkabogable star na si Vice Ganda ang mapatanong kung ano ang pakiramdam ng mga anak ng mga corrupt officials.
Sa isang segment kasi ng “Reina Ng Tahanan” sa “It’s Showtime”, naitanong sa isa sa mga ReiNanay contestant kung hahayaan ba niya ang anak na ituloy ang pakikipagrelasyon nito sa isang corrupt official.
“Sa abot ng aking makakaya, kung talagang corrupt ang government official na ‘yun, babawaln ko siya. Ayokong ‘yung magiging anak niya, kakain ng galing sa corruption, hindi ko itinuro ‘yun.
“Kasi ‘pag ‘yun ‘yung napangasawa niya, kahit na anong sabihin mo, ‘yung magiging anak niya, magtatanong at ganon din ang gagawin. Kaya sa abot ng aking makakaya, ipaglalaban ko siya na ‘wag ‘yun,” sagot ni ReiNanay Ellen.
Humanga naman ang mga “It’s Showtime” hosts na sina Karylle at Vice Ganda sa values ng contestant.
Dito na nga rin napatanong si Vice ng “Ano kaya ang nararamdaman nung mga anak ng mga corrupt officials?”
“Paano sila nabubuhay?” segundang tanong naman ni Karylle.
Iniisip rin ng komedyante kung paano kaya idinedeny ng mga anak sa kanilang sarili ang katotohanang iyon.
Dagdag pa nito, “Paano kunyari naging nanay ka na tapos ‘yung tatay mo corrupt, paano pag tinanong sa ‘yo ng anak mo na ‘corrupt ba ‘yung lolo ko?’ Paano mo sasabihin sa anak mo na, “Oo, corrupt ‘yung lolo mo’.”
“Ikaw, kaya mo?” Tanong naman ni Karylle kay Vice.
“Hindi ko alam pero hindi ako jojowa ng corrupt,” sagot naman ni Vice.
Umani naman ng iba’t ibang komento ang pahayag ni Vice sa social media.
May ilang netizens ang nagsabing hindi lang sa pulitika may korupsyon bagkus pati sa mga malalaki at pribadong kumpanya.
Mayroon rin namang mga nang-bash kay Vice at inungkat ang isyu ng ABS-CBN ukol sa diumano’y di nito pagbabayad ng buwis.
Matatandaan na naglabas na ng statement ang Bureau of Internal revenue noong kasagsagan ng franchise renewal hearing ng ABS-CBN na bayad ang Kapamilya network sa lahat ng karampatang buwis na dapat nitong bayaran.
Kung ikaw ang tatanungin, ano ang isasagot mo sa tanong kay ReiNanay Ellen?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.