Nadine naghahanda na para sa bagong pelikula ng Viva; makakasama sina Diego at Epy
Nadine Lustre
MUKHANG mapapasabak sa aktingan si Nadine Lustre kapag natuloy na ang pelikulang gagawin niya sa Viva Films mula sa direksyon ni Yam Laranas.
Ito’y base na rin sa pahayag noon ni Boss Vincent del Rosario nakapanayam siya ng media para sa Vivamaxxed launch noong Agosto.
Makakasama kasi ni Nadine ang dalawang mahusay na aktor na sina Diego Loyzaga at Epy Quizon na alam naman ng lahat kung gaano ka-intense pagdating sa pag-arte.
Siyempre hindi naman magpapatalo si Nadine bilang 2019 Gawad Urian Best Actress para sa pelikulang “Never Not Love You” na ipinalabas noong 2018 kasama ang ex-boyfriend na si James Reid at idinirek ni Antoinette Jadaone for Viva Films.
Wala pang nabanggit sa amin kung ano ang kuwento at titulo ng pelikula nina Nadine, Diego at Epy pero ang sigurado ay sa Nobyembre na ang shooting nito.
Samantala, dalawang linggo nang nasa Maynila ang aktres at naghahanda na sa mga kakailanganin niya para sa lock-in shooting with direk Yam na super metikuloso talaga at gusto niya dapat well-prepared pagdating sa set ang mga artista niya.
Nasa planning stage pa kung magwo-workshop ang mga nabanggit na artista dahil nga sa schedule nila.
Anyway, sinubukan naming i-chat si Direk Yam Laranas tungkol sa nakuha naming impormasyon mula sa aming source sa bago niyang gagawing pelikula nina Nadine, Diego at Epy at kaagad kaming sinagot ng, “Sorry Reggee, Viva raw ang mag-a-announce.”
Oo nga naman, alangan namang unahan pa ni direk Yam ang mga bossing ng Viva Films.
Pati titulo ay ayaw ding banggitin ni direk Yam, ang sabi lang niya ay araw-araw niyang nire-revise o pina-polish ang script habang wala pang shooting.
Sa zoom mediacon ng pelikula niyang “Paraluman” nina Jao Mapa at Rhen Escano ay nabanggit ng dalawang bida na si direk Yam din ang cinematographer nila kaya natanong namin ito sa direktor kung bakit hindi siya ang kumuha ng gagawa nito.
“Ayaw ko. Gusto ko kontrolado ko ang ‘canvas,’” sagot sa amin.
At dahil paborito ng direktor ang Tanay, Rizal na location ng mga nagawa niyang pelikula sa Viva ay natanong namin kung wala siyang planong mag-iba dahil halos iisa na ang background ng “Death of A Girlfriend” at itong “Paraluman.”
Sabi namin, subukan niya sa Norte para maiba, “Kung kaya lang ng budget, puwede. Kaya lang maselan ako sa equipment quality at may COVID protocols pa kaya mahal,” sabi ni direk Yam.
‘Yun lang, malamang bandang Rizal ulit ang location ng bagong pelikula niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.