Yam apektado ang honeymoon dahil sa COVID; pinayuhan sina Gerald at JM sa pagpapakasal
Gerald Anderson, Yam Concepcion at JM de Guzman
MAHIGIT isang buwan na ang nakalilipas nang magpakasal sa New York sina Yam Concepcion at Miguel Cuunjieng ngunit hindi pa rin pala nakakapag-honeymoon ang mag-asawa.
Nakachikahan ng ilang members ng entertainment press ang Kapamilya actress sa virtual mediacon para sa finale ng seryeng “Init Sa Magdamag” pati na rin ang dalawa niyang leading man na sina Gerald Anderson at JM de Guzman.
“Wala pa. Mahirap ngayon mag-honeymoon. Sa mga nangyayari ngayon sa mundo parang na-gi-guilty naman ako magsaya masyado.
“So, darating din tayo sa honeymoon pero ngayon nagha-honeymoon na kami rito sa apartment. Ibang honeymoon. Ha-hahaha!” ang masayang chika ni Yam.
Natanong din ang bagong kasal na aktres kung magiging choosy na siya sa pagpili ng mga role o projects ngayong may asawa na siya.
“Nu’ng ikinasal kami (ni Miguel) parang hanggang ngayon tinatanong ako ng marami kung, ‘O ano ng difference, may pagbabago ba?’ Parang parehas pa rin naman kami, how we are.
“Well hindi naman sa magiging choosy ako (sa mga roles), very supportive naman kasi yung husband ko. So kung ano yung gusto ko gawin, suportado naman niya ako kaya ayun. Kung gusto ko gawin, gagawin ko,” aniya pa.
Hiningan din siya ng advice para sa mga kasamahan niya sa “Init Sa Magdamag”, lalo na kina Gerald at JM, kung kailan ba dapat mag-settle down at bumuo ng sariling pamilya.
“Alam mo minsan, depende rin sa tao. Case per case basis. Sa stage ng buhay mo na feeling mo ready ka na, ikaw lang makakapagsabi niyan. Hindi ako, hindi kahit sino. Sarili mo. So I guess just do what makes you happy and then eventually it will all just come,” paliwanag ni Yam.
Sa nalalapit na pagtatapos ng “Init Sa Magdamag”, plano ba niyang bumalik agad sa Pilipinas para makagawa uli ng teleserye at pelikula lalo pa’t napakaganda ng reaksyon ng madlang pipol sa performance niya sa “ISM”.
“So far ini-enjoy ko muna yung take it one day at a time you know. Ayoko muna mag-isip kung anong mangyayari bukas or the next day.
“Yung natutunan ko kasi sa pandemic is just to really live in the moment so right now I’m just enjoying every single minute or second of my married life.
“Magpapahinga siguro muna ako. Siguro I’ll learn a hobby, a new skill muna siguro while I’m out here. Ito nagba-vlog. Ha-hahaha! Mag-subscribe kayo sa YouTube channel ko. Yun lang ang pinagkakaabalahan ko ngayon. So wala pa namang plano ngayon. Bahala na, tingnan natin,” chika pa ni Yam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.