Willie Revillame tuloy na sa pagtakbong senador sa 2022; nagpapagawa ng mga materyal para sa kampanya
“Mukhang tuloy na, hindi siya tinatantanan ni PRRD,” ito ang sagot sa amin ng source namin tungkol sa pagkandidato ni Willie Revillame sa pagka-senador.
Muli namin kasing tinanong ang taong malapit sa “Wowowin” host kung may final answer na siya sa alok ni Presidente Rodrigo Duterte na kumandidato bilang senador para mas marami siyang matulungan lalo’t ito rin naman daw ang ginagawa niya sa mga kababayan niya tulad sa unang COVID-19 lockdown noong 2020.
Sa tuwing tatanungin si Willie tungkol dito ay wala pa siyang sagot at abangan na lang ang kanyang big announcement sa kanyang show tungkol dito.
Sabi pa ng source namin, “ilang beses na siyang nagsabi na ayaw niya ng politika, pero hindi siya tinatantanan. At nahihiya na si Willie kay Digong na laging ayaw niyang pumasok sa politika ang sagot niya.”
At sa kanyang IG account kahapon, August 5, ay indirect na kinumpirma ito ng kilalang talent manager na si Manay Lolit Solis.
Ang caption ni Manay Lolit sa larawan nina Willie at Raffy Tulfo, “Mukha ngang sasabak na sa pulitika sila Willie Revillame at Raffy Tulfo Salve.
“May mga pahaging na, may mga balita na nagpagawa na ng t-shirts, mga materyal para sa kampanya. For sure they will give a good fight. Isang bagay iyon kilalang kilala sila ngayon, nasa top of their career, mahal ng mga followers nila. Hoping it will turn into votes for both of them. Mukha naman kaya nila ang trabaho, napag-aaralan naman iyan.
“Sabi nga, paligiran mo lang ng matatalinong tao ang paligid mo, kakayanin mo. Hinasa ng panahon ang dalawa, lahat napagdaanan nila, nasa puso din ang pagtulong, so why not? Kung saan ang hilig ng katawan, ibigay mo, paghusayan mo. At least a new world to conquer for both of them, 0 pag nanalo, magiging very colorful ang Senado. With Willie and Raffy, the Senate will never be the same again. Wanna bet?
“#classiclolita #takeitperminutemeganun.”
Samantala, isasabay kaya ni Willie sa Mega flash sale ng kilalang online shopping app sa Linggo, Agosto 8 ang hinihintay ng lahat ang pagkandidato niya sa politika?
Anyway, binanggit ni Willie na hindi matitigil ang live broadcast ng “Wowowin” kahit na sasailalim ang NCR sa dalawang linggong ECQ simula Agosto 6 hanggang Agosto 20.
Humingi raw ang TV host ng advice kina Sen. Bong Go, DOH Sec. Francisco Duque III at DILG Sec. Eduardo Año kung ano ang nararapat gawin para tuluy-tuloy ang programa niya.
Kuwento ni Willie, “Ako po’y nagpapasalamat dahil in-advise-an nila ako, ‘Hindi ka puwedeng mag-show sa NCR, Willie, you have to find a place na hindi naka-ECQ.’ So, hindi ho ba, sumusunod pa rin kami sa patakaran?” ani Willie sa latest episode ng “Wowowin”.
“Kahit ho may ECQ, itutuloy namin. Sinabi ko naman sa inyo, gagawa ako ng paraan. Ako po ay nagsumamo, nakiusap. Para po sa inyo ito.”
Binanggit nito na lahat ng staff na kasama sa show ay fully vaccinated na at sumusunod silang lahat sa safety protocols.
Dagdag pa, “Kung saang lugar, ia-announce po namin ‘yan, at magandang-maganda ho ito, napakagandang lugar. Ang sarap ng mga pagkain diyan. I think, mga 2 weeks tayo diyan, kung aabutin ng isang buwan, walang uwian.”
“Medyo mabigat ang gastos, siyempre, mag-aalmusal, marami na naman kami, almusal, tanghalian, may meryenda pa ‘yan.”
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay sa Clark International Airport daw ang lugar na magiging pansamantalang bahay ng “Wowowin”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.