Barbie uminit ang ulo sa mga kissing scene ni Jak: Teka lang, teka lang! Nakita ko ‘yon!
LAMAN palagi ng comment section si Barbie Forteza tuwing may magte-trending na kissing scene si Jak Roberto kasama ang iba pang female artists.
Ilan nga sa mga banat ng netizens ay “Shot na, Barbie”, o minsan nama’y “Tahan na. Sagot ko na alak, Barbie”.
At dahil nga rito, napagdesisyunan ni Jak Roberto na i-video ang reaksyon ni Barbie sa mga naging kissing scenes niya.
Umpisa pa lang nga ay parang umiinit na ang ulo ni Barbie. Sa unang clip kasi ay ipinakita ni Jak ang agressive kissing scene nila ni Glaiza de Castro.
“So ang title nitong vlog na ito ay Yeezy o Lente, kung ano ‘yung sisirain ko after. Yeezy o ‘yung lente ng camera, gagasgasan ko ng nail cutter. Mamimili ka lang,” parang gigil na sabi ni Barbie.
Napapakamot naman ng ulo ang binata at nagtanong bakit daw may sisirain si Barbie.
Sumunod naman ay ang kissing scene ng aktor kasama si Chynna Ortaleza sa “Wagas”.
Nung una ay natatawa ang dalawa dahil muntik nang makatatlong halik ang aktor kay Chynna pero agad nagbago ang ekpresyon ni Barbie sabay sabing, “Ang saya mo?”
“Sorry na agad,” mabilis na paumanhin ni Jak sa dyowa.
“In fairness, okay naman,” pagpuri ng aktres.
“Very wholesome, very sweet. Appropriate sa eksena, hindi ‘yung ginawa lang para may kissing scene,” pagpapatuloy niya.
Pero ang pinakanagpainit sa ulo ni Barbie ay ang kissing scene nina Jak at Lauren Young.
“Teka lang, teka lang! Nakita ko ‘yon. Nakita ko ‘yon.” parang inis na sabi ni Barbie.
“Ano?” sagot naman ni Jak na parang kinakabahan.
“Nakatingin ka sa s*so.” angil naman ni Barbie.
“Hindi ako nakatingin. Sa robe ako nakatingin,” depensa naman ni Jak.
Pinarewind pa nga ni Barbie ang clip para patunayan na hindi siya nakatingin doon.
Pinagpatuloy naman nila ang panonood ng scene kasama si Lauren kung saan pinipilit ni Barbie na nakatingin ang aktor sa dibdib ni Lauren.
“Ginagawa niya ‘yan sa TikTok, eh. Akala niya di ko napapansin. Nonood siyang TikTok tapos ‘yung pilikmata niya, so alam mo saan nakatingin,” panlalaglag naman ni Barbie pero agad namang humirit na, “baka binabasa mo ‘yung subtitle?”
Habang inaayos ni Jak ang pinapanood nila, nagtanong ito kung matatapos ba ang video na ito.
“Matatapos ba tayo rito?” sagot naman ni Barbie kung saan napapareact si Jak ng “Ayyy”
Patuloy ang pagpuna ni Barbie sa mata ng aktor kahit wala pa ang kissing scene.
Nang tanungin ni Jak kung saan ba dapat siya tumingin, diretsahang sinagot ito ni Barbie ng “Sa mata niya. Tumingin ka sa mata niya.”
“Tignan mo kung saan ka nakatingin na naman. Alam mo ‘yang mata mo talaga, John Rommel.” sabi ni Barbie at hinikayat pa ang netizens na mag-comment kung saan ito nakatingin.
Depensa naman ng aktor, against daw kasi ang karakter niya sa nangyayari kaya nakayuko siya para hindi matuloy ang halik.
Giit naman ni Barbie, sana raw ay tumalikod na lang siya.
Makakasamang muli ni Jak sa “Never Say Goodbye” ang aktres na si Lauren Young at hinihiling niya na sana ay hindi magalit si Barbie sa mga mangyayaring eksena sa teleserye at sana magtiwala ito sa kanya.
Hiniling rin ng dalawa na sana maging maganda ang show na “Never Say Goodbye” at sana mawala na ang pandemic at manumbalik na ang lahat sa dati at sana ay mabakunahan na ang lahat.
Dumako naman sila sa next photo kung saan kamakailan nga lang ay nag-trending. Ito ang larawan kung saan nakahalik sa pisngi ni Jak ang Kapuso star na si Klea Pineda.
Amin ng dalawa, naging kontrobersyal ang photo na ito kung saan maraming netizens ang nag-share at niyaya si Barbie ng inuman dahil baka brokenhearted matapos i-upload sa mga Facebook pages ang larawan.
Ayon naman kay Barbie, bago pa man ilabas ang photo ay sinend na ito ni Jak sa kanya sa Instagram at ipinaalam na ginamit ito ng management.
Sa huling part naman ay ang scene ni Jak at Royce ang binigyan ni Barbie ng comment. Isa rin kasi ito sa nag-trending dahil curious ang netizens kung ano ang reaksyon ni Barbie.
Mukha namang wala lang ito sa dalaga at pinuri na cute pa ang eksena.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.