OFW di tutulungan ng mga opisyal na di binoto
LABIS na kahirapan at matinding hinaing ng bayan ang palusot ng mga mambabatas bakit nila kailangan ang pork barrel. Dahil sila naman daw ang tinatakbuhan ng ating mga kababayan sa panahon ng pangangailangan.
Ngunit hindi ganito ang karanasan ng OFW na may inisyal na DG ng Baybay, Leyte. Kadarating lamang niya mula sa Kuwait, at nagpadala ito ng text message sa Bantay OCW na isang taon na siyang dinudugo.
Wala raw siyang perang magagamit para sa pagpapagamot habang hinihintay naman niya ang P10,000 livelihood package na ibibigay ng OWWA.
Ang tanging pakiusap niya sa Bantay OCW ay kung makukuha na ba niya ang P10,000 na ipinangako sa kanya.
Akala ni DG, cash niyang mahahawakan ang pera. Ngunit nilinaw ni OWWA Administrator Carmelita Dimzon na
iyon ay mga gamit pang-kabuhayan na may halagang P10,000 para makapagsimula ng maliit na negosyo. Hindi cash.
Nag-alala kami sa kalagayan ni DG. Hindi normal na dinudugo ang isang babae nang ganun katagal. Kaya naman tinawagan namin siya on the air sa Radyo Inquirer.
Pinayuhan namin siyang kailangan niyang magtungo sa hospital dahil sa kalagayan niya. Sagot ni DG, wala daw siyang pera.
Pinayuhan namin siyang magtungo sa kanilang mayor at manghingi ng tulong.
Agad siyang sumagot na hindi naman daw siya tutulungan doon.
Nagulat kami sa sagot niya at nang tanungin namin kung bakit, sabi niya, hindi raw kasi nila ibinoto yung mayor.
Sagot ko naman, oh sige pumunta na lang siya sa vice-mayor, di rin daw pwede kasi anak naman ito ng mayor. Di rin pwede sa congressman dahil kaanak din ng mayor.
Ayon kay DG, sa probinsiya nila, kalakaran doon na hindi tintutulungan ang sinumang hindi bomoto sa mga nakaupo sa puwesto.
Palibhasa’y kailangan ng agarang saklolo si DG, kaya hindi na muna namin pinansin ang nauna niyang mga pahayag sa kanilang mga pulitiko doon.
Kaya binigyan namin siya ng instruction na magtungo na lamang sa Tacloban. Malayo daw iyon sa kanilang lugar, may 2 oras na biyahe at wala siyang pamasahe. Wala raw siyang mahihingan o mauutangan man lamang.
Nagpadala ako ng pera kay DG para may maipamasahe kinabukasan. Pinakiusapan naman ng Bantay OCW resident mediator na si Zaldy Vilches ang kapatid niyang doktor sa St. Paul’s Hospital sa Tacloban na si Dr. Nestor Vilches at asawa nitong si Dra. Glenda Vilches, at sila na ang gumamot ng libre kay DG.
Minomonitor namin si DG habang nasa Tacloban. Ang natira sa ipinamasahe niya ay ginamit pa nito sa ilang test kung kaya’t naubusan na siya ng pera upang ipamasahe pauwi. Tinawagan naman ni Vilches si Vice Mayor Jerry Uy ng Tacloban at agad namang sumaklolo ito kay DG hanggang sa makabalik na sa kanila.
Pero hindi ko matanggap ang sinabi ni DG na hindi siya tutulungan dahil hindi niya ibinoto ang mga opisyal nila doon.
Inalam namin kung sino nga ba ang pamilyang binabanggit ng ating OFW. Sina Mayor Carmen Cari, Vice Mayor Mike Cari at Congressman Jose Carlos (Boying) Cari ng 5th District ng Leyte.
Gusto kong patunayan sa sarili ko na marahil, pakiramdam lang ni DG iyon, at nais kong bigyan ng pagkakataon ang pamilya Cari na maipagtanggol naman ang kanilang panig, kung bakit may ganoong paniniwala si DG.
Sinimulan ko sa Kongreso. Dumaan ako sa trunkline at nagpakonekta sa office ni Cong. Cari. May isang nagngangalang Maui na sumagot sa akin. Hinanap ko ang Congressman, wala daw. Hinanap ko ang Chief of Staff, may kausap daw.
Palibhasa’y naghahabol ako ng artikulong ito, sabi ko sa kaniya, baka puwedeng maistorbo kahit saglit lang ang CS. Ang sagot sa akin, Hindi ho puwede, dahil malalaking tao ang kausap nun at dagdag pang hindi daw siya bastos para istorbohin ang kanilang CS.
Hindi daw siya bastos, pero pagkatapos pinaghintay na kami sa telepono, naka-hang na lamang iyon habang naghihintay kami ng mahigit kalahating oras, kung sasagutin pang muli ng Maui na iyon ang tawag ng Bantay OCW o hindi na, hanggang sa tuluyang maputol na ang linya.
May “malalaking taong kausap” daw ang kanilang CS. Kung nagamit nung Maui ang terminong ito, kaya rin niyang sukatin ang maliliit na tao.
In fairness kay Cong. Cari, bukas po ang pahayagang ito para sa inyong panig. Naniniwala kasi akong naglilingkod ang isang tunay na public servant sa mga bomoto at hindi bomoto sa kanya, nang walang pagtatangi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.