‘Bagman’ rarampa na sa Netflix; Arjo namigay ng tulong sa mga nasunugan sa QC
HABANG binabaybay namin ang Visayas Avenue sa Quezon City nitong Sabado ng umaga ay nadaanan namin ang malaking sunog sa may Barangay Project 6.
Habang dahan-dahang umaandar ang aming sasakyan ay nakita naming may mga kongkretong establisimyento at katabi ng gasolinahan kaya dali-dali kaming humarurot dahil baka sumabog ito.
May nakapagsabi sa amin na agad daw umaksyon ang award-winning actor na si Arjo Atayde sa mga nasunugan. Ang nasabing lugar ay sakop ng District 1 kung saan planong kumandidatong congressman sa 2022 ng anak ng aktres na si Sylvia Sanchez.
Nabalitaan namin na habang nasa biyahe kami ay rumesponde na raw ang mga taga-barangay na nasasakupan din ni Konsehala Mayen Juico na taga-District 1 din.
Kaagad naming tsinek ang Facebook page na may pangalang Kuya Arjo Atayde habang sinusulat namin ang balitang ito at nakita namin na namahagi na pala siya kaninang umaga ng tulong sa mga nasunugan.
Personal pa talaga niyang inabutan ng food pack ang mga tagaroon at tsinek din niya ang pansamantalang tutulugan ng mga ito. Nasa covered court na raw ngayon ang ilang pamilyang nasunugan.
Ang nabasa naming caption ng mga larawan ni Arjo habang namamahagi ng food pack, “Tuloy tuloy po tayo sa pag tulong sa mga naapektuhan ng sunog sa Proj. 6, Road 7, ang Team Aksyon Agad ay namahagi ng mga groceries and packed lunch para sa mga residente na nasunugan.
“Para po sa lahat ng mga gustong mag donate malaking tulong po ito sa ating kapwa na apektado ng sunog. Keep safe and Pray! June 27, 2021.”
Matagal nang nag-iikot si Arjo sa iba’t ibang lugar sa Quezon City para mamahagi ng groceries, packed lunch, at everyday essentials noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Bukod sa sarili niyang pera, nagbigay din ng tulong ang kanyang pamilya at ilang malalapit na kaibigan.
Sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmasyon mula kay Arjo kung sigurado na ang pagpasok niya sa politika sa 2022 hindi katulad ni Aiko Melendez na maaga pa lang ay nag-anunsyo na ng kandidatura niya para sa kongreso.
Maging ang pamilya ng aktor ay tikom ang bibig tungkol sa pagkandidato nito. Ang sabi lang nila parati ay, “We’re happy to help people especially the needy or indigent.”
Samantala, ang iWant original hit series ni Arjo na “Bagman” kung saan gumaganap siya bilang si Benjo Malaya ay mapapanood na sa Netflix simula sa July 9 handog ng Dreamscape Entertaiment at Rain Entertainment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.