Leo Martinez nanawagan para sa mga senior: Maawa kayo, aba’y mahigit 1 taon na kaming nakakulong…
UMAPELA ang veteran actor na si Leo Martinez sa pamahalaan na maglabas ng mas malinaw at mas maluwag na travel guidelines para sa mga senior citizen.
Ayon sa beteranong komedyante, kailangang bigyan naman ng atensyon ng Inter Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang mga panawagan ngayon ng mga nakatatanda.
Nais ng mga senior citizen na magkaroon ng “clearer travel guidelines” ang gobyerno para sa kanila lalo na sa mga nabakunahan na. Hindi raw biro ang ma-lockdown sila for more than a year sa kanilang mga bahay.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Leo Martinez (76 years old na ngayon) na miss na miss na nila ang outside world at kailangan na nilang “makalaya” mula sa “pagkakakulong” nang napakahabang panahon.
“Gusto lang naming makalabas para makita ulit, maamoy, marinig, malasap at masalat ang dating kinagawian at nakasanayan na.
“’Yun la-ang, maawa naman kayo. Bakit ba kami pang kakaunti na ang panahon dito ang pinagbabawalang makumusta ulit ang ating mundo?” katwiran niya.
Ang FB post ng aktor ay bilang suporta na rin sa panawagan ng senior citizens rights advocate na si Atty. Romy Macalintal na umapela rin sa pamahalaan na luwagan na ang health protocols sa mga matatandang nabakunahan na.
Sa ngayon, base sa directive ng IATF, pinapayagan na ang mga fully vaccinated senior citizens sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine at Modified General Community Quarantine basta maipakikita lang ang kanilang COVID-19 vaccination card.
Ngunit kasabay ng pagpapatupad nito, “per rules, no interzonal travel is allowed other than point-to-point travel under the IATF Resolution No. 118-A.”
“Paano ‘yan for other seniors who want to go back and settle in the province, tulad ng kasambahay ko na taga-Catanduanes,” sabi naman ni Leo Martinez.
Aniya pa, “Aba’y mahigit isang taon na po kaming nakakulong, hindi po naman natural ‘yun, bata man o matanda.
“Hindi naman kami magpapakalat-kalat diyan sa kalye, hindi naman kami makikipag-inuman kung saan-saang kanto at hindi naman kami pagkakaguluhan ng mga babae. Matanda na nga, eh!” diin pa ng komedyante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.