Sa Facebook, may forever.
Inanunsyo ng dambuhalang social media company na bibigyan nito ang mga empleyado ng pagkakataong mamili kung gusto nilang ipagpatuloy ang remote work.
Simula sa Hunyo 15, pahihintulutan na ng Facebook ang mga empleyado nito na ang trabaho ay pwedeng gampanan sa labas ng opisina na gawin nang permanente ang ganoong work setup.
Nag-alok pa ito ng tulong sa mga gustong lumipat sa ibang bansa para doon mag-‘work-from-home.’
“Naniniwala kami na mas mahalaga kung paano kami nagtatrabaho at hindi kung saan kami nagtatrabaho,” ayon sa Facebook habang ibinabahagi nito ang ilang update sa patakaran nito sa remote work.
Ang Facebook at iba pang kumpanya sa Silicon Valley ay nag-shift sa remote work sa maagang bahagi pa ng pandemya noong nakaraang taon. Lumikha sila ng mga internet tools para masiguro na nagagampanan ang mga trabaho bagama’t wala ang mga kawani sa ilalim ng pisikal na superbisyon sa loob ng opisina.
Umaasa ang hepe ng Facebook na si Mark Zuckerberg na ang paglipat ng pamamaraan ng pagtatrabaho sa remote work ay magiging pangmatagalan para sa nangungunang social network. Nagpaplano na rin itong humanap ng mga empleyado na may kakayanang gampanan ang kanilang trabaho kung saan man sila naninirahan.
Kamakailan ay muling binuksan ng Facebook mga opisina nito matapos ang may isang taong pagkasara dahil sa pandemya, pero wala nang ibinibigay na libreng pagkain at commuter shuttles para sa mga kawani.
May kapareho ring hybrid scheme ang Google at Microsoft para sa kanyang mga manggagawa, habang ang iba namang kumpanya gaya ng Twitter ay nagpahayag na maaring magtrabaho ng remote ang mga empleyado nito hangga’t gusto nila.
Mula sa ulat ng Agence France-Presse
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.