Aicelle ayaw kumuha ng yaya para sa anak: Gusto kong maranasan yung maging nanay talaga
NAPATUNAYAN na rin ng Kapuso singer-actress na si Aicelle Santos na hindi talaga biro ang maging isang nanay, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Proud hands on mom si Aicelle dahil sa kabila ng pagiging aktibo sa showbiz, talagang kinakarir pa rin niya ang pag-aalaga sa kanyang panganay na si Baby Zandrine.
Magkahalong kaligayahan at pagod ang nararamdaman ngayon ng Kapuso star bilang first-time mom pero aniya, nagpapasalamat siya nang bonggang-bongga dahil mas marami siyang panahon ngayon para sa anak nila ni Mark Zambrano.
“Kagaya noong isang araw nag-post ako dahil feeling ko maganda ‘ko, kunwari nag-lipstick ako pero, sa totohanan, what is ligo?
“Kasi ni ultimo pagkain ko, ‘di na po ako ngumunguya, lunok na lang po kasi aabatan mo si Zandrine. Magigising na kasi nga po wala kaming yaya,” pahayag ni Aicelle sa panayam ng GMA.
“Maraming sacrifices pero kapag nginitian ka ng anak mo, talaga namang sulit na sulit and ito ngang pandemic, talagang 24/7 kaming magkasama tapos nakikita mo ‘yung mga milestones n’ya.
“I don’t wanna say it’s perfect but it’s a happy journey for both of us, sa aming tatlo nila Mark,” chika pa ng Kapuso singer.
Aniya, talagang desisyom nilang mag-asawa ang huwag nang kumuha ng yaya o kasambahay para sa kanilang six-month-old daughter.
“Iba pa rin kasi kapag ikaw mismo ‘yung nag-aalaga kasi, una sa lahat, ‘di naman ako nagtatrabaho ng nine to five so bakit ako kukuha ng yaya, e, gusto ko ako ‘yung nagna-nappy change, ako ‘yung nagpapaligo, tapos breastfeeding kami.
“So magandang madaanan mo lahat ‘yun. Kung may choice ka to do it, why not?” paliwanag ng celebrity mom.
Super thankful din siya sa kanyang mommy support groups dahil marami siyang natututunan mula sa mga kapwa niya nanay pagdating sa parenting. Kasama niya sa nasabing grupo ang sina Chariz Solomon Maricris Garcia at Sheena Halili.
“Si Chariz ‘di naman na first-time mom, parang guardian namin siya, we ask her questions..Sa kanya ko nagtatanong, ‘Cha, babalik na ‘ko ng studio work, paano ‘ko magpa-pump ng milk, paano ko s’ya i-store, ‘yung mga ganoon.
“Katulad noong isang araw si Zandrine nakagat ng insekto, ipapakita namin. So alam mo ‘yun, we share each other’s joys, may time minsan kinabahan sila kasi may ibang nangyari sa anak nila.
“Masaya, actually, noong time na sabay-sabay kaming buntis, siyempre, when you’re pregnant you’re so emotional so having a mommy group na nagkakaintindihan kayo helps,” kuwento pa ni Aicelle.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.