Alma inireklamo ng may-ari ng condo; lumayas nang hindi nagbabayad ng renta, kuryente?
LIMANG buwang renta sa condo unit sa Azure Urban Residences sa Parañaque City at may outstanding balance na P40,000 sa Meralco ang hinahabol ngayon kay Alma Moreno.
Yan ang reklamo laban sa veteran actress ng may-ari ng inuupahan niyang unit na si Theresa Grenard na kasalukuyang nasa Dubai.
Base sa kuwento ni Theresa kay Raffy Tulfo sa programa nitong “Wanted sa Radyo”, nakiusap sa kanya ang aktres na uupahan ang unit niya noong Agosto hanggang Setyembre, 2020 na sa una ay ayaw pa niya dahil mahigpit ang patakaran ng namamalakad sa nasabing condo building.
“Hangga’t maaari po ay ayaw ko po sana paupahan ang unit ko because of the pandemic at marami po kasing hinihingi ang Azure para mapag-stay, e, sabi naman ni Alma magagawan niya ng paraan.
“Plus sa kanya nagtatrabaho ang kapatid ko at kakilala siya ng kapatid ko kaya pumayag na po ako at nagbigay siya ng P35,000 (para sa fully-furnished na unit). Discounted na po ‘yun,” kuwento ni Theresa through zoon interview.
Nagulat ang radio host kung bakit inabot ng 40k ang kuryente kung isang buwan lang naman tumira ang aktres, “Hindi po ‘yun isang buwan hindi ko lang po sure kung anong date sila umalis ng February (2021) kasi po hindi sila nagpaalam,” sabi ni Theresa.
Dagdag pa, “Nu’ng March 9 po pinapuntahan ko sa ate ko ang unit ko at doon na nila nadiskubre na wala na sina Alma.”
Base sa ipinakitang video ay walang ilaw at walang tubig ang unit ni Theresa bukod pa sa maraming ipis na ibig sabihin ay matagal nang walang nakatira roon.
Ilang beses daw tinatawagan ni Theresa si Alma pero hindi ito sumasagot at hindi rin siya binabalikan ng tawag. Ang kapatid ng aktres ang sumasagot na laging sinasabing busy si Alma dahil may taping o shooting.
Hanggang sa nainis na ang unit owner at nagsabing ipapa-Tulfo na lang si Alma para sumagot.
Tinawagan naman ng staff ni Raffy ang aktres at nagsabi itong ayaw niyang sumagot ng on the air at gusto niyang makausap ang radio host nang silang dalawa lang.
“Nakikinig lang si Ms. Alma ayaw niyang magsalita. I’m not gonna talk to her! Kung gusto niyang magsalita dapat on air habang nandiyan si Ma’am (Theresa).
“For the information of Ms. Alma Moreno, ‘ma’am hindi ako makikipag-usap sa inyo parang patraydor na kakausapin ko kayo off-air na hindi po nakikinig ang aming complainant never ko pong gagawin ‘yan. Kung gusto ninyo po akong kausapin Madam, dapat habang nakikinig si Ms. Theresa,” pahayag ni Raffy.
Dagdag naman ng staff, ang sabi raw ni Alma, “Alam ng Diyos na wala akong ginagawang masama at hindi ko kailangang mag-explain sa inyo. Kakausapin ko na lang ‘yung kapatid niya (Theresa).”
Sagot naman ng may-ari ng unit, “I think alam ng Diyos at panig sa akin ang Diyos na wala akong ginagawang masama.”
At dahil sa stress at para maibalik ang kuryente at tubig ay babayaran na lang daw ito ni Theresa dahil dito raw siya tumutuloy kapag nasa Pilipinas siya.
“Ayaw nilang makipag-communicate, so I think this is the best way (pina-Tulfo) para makipag-communicate siya,” sabi pa ni Theresa.
Bukas ang BANDERA para sa panig ni Ms. Alma at agad naming ilalabas kung nais na niyang sagutin ang mga reklamo sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.