‘Pepito Manaloto’ nina Bitoy at Manilyn babu muna sa GMA
KINUMPIRMA na ng Kapuso TV host-comedian na si Michael V na tatapusin na ang sitcom nila ni Manilyn Reynes sa GMA 7 na “Pepito Manaloto: Kuwento Kuwento”.
Mapapanood ang finale episode nito ngayong darating na Sabado, May 29, ayon na rin kina Bitoy at Mane sa ginanap na virtual mediacon para sa nasabing programa.
Ayon sa komedyante, “Nu’ng nag-start ang pandemic, aminin ko, nahirapan talaga kami and we have to find ways para to keep with the times, and at the same time makapagbigay ng quality entertainment sa audience.”
Sey naman ng gumaganap na misis ni Bitoy sa comedy show ng GMA na si Manilyn, “Alam naman natin na mahirap talaga ang taping nitong mga nakaraang months or a year.
“Happy pa rin naman kami na kahit paano, ang mga tao, hindi bumibiw. Nandiyan pa rin sila simula noon hanggang ngayon na nakakapagbigay kami ng entertainment sa panahon na ito,” pahayag pa ng singer-actress.
Katwiran ni Michael V sa desisyong tapusin na ang umeereng season ng “Pepito Manaloto,” “We have to step back and reassess kung ano ang puwedeng gawin dito sa situation na ito. We’ve come up with something better and that would be the next book or the next chapter ng Pepito.”
Balitang sa July na ipalalabas ang bagong season ng sitcom na pinamagatang “Unang Kuwento” na prequel nga ng “Pepito Manaloto” kung saan matutunghayan ang pagsisimula ng love story nina Pepito at Elsa (Bitoy at Mane).
May patikim din si Michael V sa magiging ending ng kanilang season finale, “Without spoiling anything, you will be glad na mapapanood n’yo ito, at natutuwa ako sa GMA dahil pinalabas nila iyung Super Stream ng ‘Pepito Manaloto.’
“It will help a lot iyung audience para mas maintindihan iyung takbo ng istorya ng daigdig ni Pepito Manaloto.
“Sa lahat na sumubaybay talaga since day one, I’m pretty sure, ma-gets nila itong season finale na ito, and it’s also a great way to prepare for the next chapter,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.