Sunshine nabastusan sa FB post ng basher: Hindi ako humihingi ng respeto pero itrato n’yo akong tao!
NABASTUSAN ang Kapamilya actress na si Sunshine Cruz sa mga ipino-post ng ilang netizens gamit ang litrato niya at ng kanyang mga anak na babae.
Dahil dito nanawagan si Sunshine sa kanyang social media followers na tulungan siyang i-report ang mga FB users na magpo-post at magse-share ng mga litrato nilang mag-iina na may malilisyosong captions.
Tulad na lang ng photo na ipinakalat ng ilang netizens sa FB kung saan kasama nga ni Sunshine ang mga anak na sina Angelina, Samantha, Cheska.
Pero in-edit nito ang mukha ng boyfriend ng aktres na si Macky Mathay at pinalitan ng litrato ng isang lalaking foreigner.
Sa screenshot ng isang post mababasa ang caption (Cebuano), “Hooooy!!!! Nayabag na si angkol Cesar ani.” (Translation: Hooooy!!!! Nabaliw na si uncle cesar dito).
Maliwanag na ang tinutukoy na “uncle Cesar” sa post ay ang dating asawa ni Sunshine na si Cesar Montano, na siya ring tatay ng tatlo niyang anak na babae.
Nang makita ito ng aktres sa kanyang feed, agad siyang nakiusap sa kanyang followers na tulungan siyang i-report ito sa Facebook para maturuan ng leksyon.
Nag-comment si Sunshine sa nasabing post at sinabihan ang may-ari ng account na tanggalin na ang malisyoso nitong FB status, “Please report…AYAW KOL.”
Samantala, inalmahan din ng aktres ang isa pang post gamit ang kaparehong picture kung saan nakasulat ang caption na, “END OF AN ERA.”
Aniya, isang malinaw daw na pambabastos ito sa mga kababaihan. Wala raw karapatan ang kahit sino na gawing katatawanan ang kanilang kapwa lalo pa’t wala namang ginagawang masama sa kanila.
“I will never understand why people think making fun of other people is funny.
“No one has the right to humiliate others. What would you feel kung isa sa pamilya nyo ang gawing katatawanan?” matapang na pahayag ni Sunshine.
Diin pa ng aktres, hindi na raw siya hihingi ng respeto mula sa mga taong walang ginawa sa buhay kundi mam-bully at mambastos ng kapwa kundi itrato na lang daw siya bilang tao.
“It only shows the character na meron ang isang tao. Hindi ako humihingi ng respeto pero itrato nyo lang din akong tao.
“Pareho nyo nasasaktan din ako. Walang ginagawang masama ang pamilya ko kahit kanino,” mariin pang pahayag ni Sunshine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.