MAY bagong “baby” ang award-winning actor at singer na si Piolo Pascual at pormal na niya itong ipinakilala sa publiko.
Makalipas ang tatlong dekada sa entertainment industry, ibinandera na ni Papa P ang pagtatayo niya ng sariling recording company sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya.
Tinawag ni Piolo ang kanyang indie label na Just Music na aniya’y magsisilbing, “space for artists to explore their creativity while keeping their rights a top priority.”
“I want to give them a platform, a chance to shine on their own,” ang dagdag pang sabi ng binata sa isang official statement na ang tinutukoy nga ay ang mga baguhang artist na nahihirapang humanap ng tamang venue o platform para marinig ng mundo ang kanilang musika.
“When you see a lot of artists who could potentially make a change in the scene, you want to give them that opportunity.
“There are a lot of new artists and so much talent that have to be exposed, but they need a platform,” pahayag pa ni Piolo.
May dalawa nang mina-manage na artist ang Just Music ni Papa P — ang mga singer-songwriters na sina Kenji at NKO na nakapag-release na kamakailan ng kani-kanilang single.
Available na sa iba’t ibang streaming platforms ang ballad song ni Kenji na “Night and Day” at ang retro dance-inspired tune na “Langit” ni NKO.
Kung matatandaan, naging bahagi na sina NKO at Kenji ng Star Music noong 2013 bilang bahagi ng grupong G2B Boys.
Isa sa mga kanta nila, ang “Ikaw Na Na Na Na,” ay naging theme song sa Kapamilya series na “Got to Believe” nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Sabi pa ni Piolo sa bago niyang business venture, “When I first heard them, I knew that they had global appeal, alam mong hindi sila basta mainstream songs.
“Discovering new talents that have their own taste in music, in the way they want to express themselves, it’s nice,” aniya pa.
Ang Just Music ni Piolp ay nasa ilalim naman ng CS Music na pag-aari ng Cornerstone Entertainment na siyang humahawak sa career nina Kyla, Jay R, Jason Dy, Richard Poon, Ian Pangilinan, Catriona Gray at marami pang ibang bigating singer sa bansa.
Mina-manage rin ng Cornerstone sina Sam Milby, Erik Santos, Yeng Constantino, Jaya, Angeline Quinto, KZ Tandingan, Moira dela Torre at Iñigo Pascual.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.