Jobert Austria nagalit kay Lord noon: Sabi ko, patayin mo na ako…hindi ka ba naaawa sa akin?
HINDI namin mapigilan ang maluha habang pinanonood ang panayam ni Toni Gonzaga sa komedyanteng si Jobert Austria sa kanyang Toni Talks YouTube channel.
Ikinuwento ni Jobert ang buhay niya noong walang-wala pa siya at lulong sa ipinagbabawal na gamot hanggang sa tuluyan na nga siyang magbago.
Kuwento ni Toni, nagkasama sila ng comedian noon pang 2011 sa isang show sa ABS-CBN pero hindi sila naging close.
“Tapos 2014 nagkasama kami ulit sa Home Sweetie Home pero mas close siya kay Lloydie (John Lloyd Cruz). Oo sila talaga ‘yung tropa noon. May sarili silang mundo ng mga kalokohan noon.
“Ang nakakatuwa kasi kung kailan natapos ‘yung show namin doon kami mas naging close,” bungad ng TV host-actress.
“Nu’ng una mo akong makilala, e, hindi mo ako talaga magiging kaibigan no’n kasi alien ako,” natawang sabi ni Jobert.
“Pero nakakatawa ka na noon, di ba?” say ni Toni.
“Oo, pero mas nakakatawa ako ngayon kasi wala na akong bisyo,” kaswal na sabi ng komedyante.
Napagkuwentuhan nila na sa YouTube talaga nagsimula si Jobert noong hindi pa uso ang vlog kaya maituturing isa siya sa mga nagpasimula nito. Ilang mga kaibigan niya ang taga-upload ng mga pinaggagawa niya dahil wala naman siyang alam tungkol dito.
“Mas marami akong oras sa labas ng bahay namin, tambay lang kasi ako inom-inom. Uuwi lang ako ng bahay para matulog kaya ‘yung nanay ko hirap na hirap kung tatawagin pa niya akong anak,” tumatawang sabi nito kay Toni.
Magulo raw kasi ang buhay noon ng komedyante lalo na nang hiwalayan siya ng asawa niya dahil wala siyang trabaho.
“Edad 19 ako nu’ng nag-asawa ako (nabuntis ang girl), hindi ko nga na-enjoy ang kabataan ko. Nu’ng ikasal nga kami hinanap ako ng biyenan ko at nakita niya ako nakikipagtaguan (laro) ako sa mga bata. Hindi ako seryoso sa buhay noon kasi aksidente ‘yung pag-aasawa ko,” kuwento ni Jobert.
Isang lalaki ang naging anak ni Jobert sa dating asawa na edad 30 na at may apo na rin siya rito.
“Lolo ka na pala? Ang dami kong nadi-discover sa ‘yo,” tumatawang hirit ni Toni.
Kumusta ang relasyon ni Jobert sa anak niya, tanong ni Mrs. Soriano, “Actually okay naman ang relasyon namin ng anak ko kaya lang bilang magulang ayokong maging katulad ko siya. Kahit bigyan ko ‘yung anak ko ng isang milyon kung hindi ko siya tuturuang mangisda masasayang din ‘yun, di ba?
“Kaya ngayon tinuturuan ko siyang maging responsible na maghanap siya ng trabaho kasi tatay na rin siya. Saka 30 years old na siya, kailan pa siya matututo? Pag nawala ako, paano nasanay siyang umaasa sa akin,” kuwento ng aktor.
“Paano ka bilang tatay sa anak mo?” sunod na tanong ni Toni.
“Minsan didisiplinahin ko ‘yung anak ko, kasi lumaki sa akin ‘yun! Nakita niya yung mga kalokohan ko, eh. Ano bang klaseng tatay ‘yung iniidolo mo na namamalo sa ulo? Nakikita niya na, ‘tatay ko may ginulpi kanina, may dugo, oh?’”
“Nakita niya ‘yun?” ang gulat na gulat na reaksyon ni Toni.
“Nakita niya kung paano ako nanggugulpi ng tao. Kasi ‘yan ang kinalakihan niya. Kaya ang hirap din maging magulang kapag ganu’n ang kinalakihan ng anak mo kasi ano ang ituturo mo sa anak mo kung ikaw din ganu’n ka?
“Minsan gusto kong ituwid ang mga mali ko, hirap din di ba? Kasi paano mo kaya ituturo rin (ikakatwiran ng anak), ‘ngayon mo sasabihin sa akin ‘yan, eh, pinatanda mo akong ganyan? Ang tanda ko na, ngayon mo sabihing mali ‘to? Inidolo kita noon? Kasama pa kita sa frat (fraternity).’ Pareho pa kami ng frat. Kinunsinti ko rin siya. Kaya mahirap maging magulang lalo na kung pareho kayong walang direksyon,” kuwento ni Jobert.
“Siyempre ngayon meron na?” balik-tanong ni Toni.
“Pinipilit ko kasi obligasyon kong itama lahat ng pagkakamali ko sa relationship ko, sa mga kapatid ko, lalung-lalo na sa anak ko kasi di ba, obligasyon ko bilang tatay na ibalik siya sa Diyos,” pag-amin ng aktor.
“May napanood akong interview mo na nakatira ka sa jeep? Paano ka nag-end up na doon ka natutulog?” tanong ni Toni.
“Nu’ng namatay ang mama, papa ko na umampon sa akin kasi adopted ako. Siyempre mga kapatid ko, sino ba naman ang mangungunsinti na kain-tulog na nga lang (ginagawa ko) puro problema pa na kakatok ‘yung pulis, ‘si Jobert po may kaso.’
“E, drugs pa rin ako nang drugs at dumating pa ‘yung panahon na ayoko na ring maging pabigat kaya ako na mismo ang lumayo. Sa jeep ako tumira ng dalawang taon. Lumang jeep ng kaibigan ko na nakaparada lang do’n. Nilagyan ko ng kumot at maliit na kutson,” pag-amin nito.
“Paano ka kumakain no’n?” tanong uli ni Toni.
“Magaling akong magpatawa, di ba?’ Minsan ‘yung mga nagbabantay sa tindahan pinapakain na ako, tawang-tawang sila sa akin tapos tatanungin ako kung kumain na ako,” sabi ng komedyante.
“Isipin mo sa jeep ako nakatira pero ang dami kong kaibigan na puro mayayaman at sinusundo ako para gumimik kasi life of the party ako. Paglabas ko sa jeep ang saya ko, pagpasok ko sa jeep, ang saya ng mga kasama ko, pero ako hindi. Siyempre balik ka sa dating nangyayari sa buhay mo,” naluluhang kuwento pa ni Jobert.
Nabanggit din niya na doon din tumira ang anak niya dahil kahit anong taboy niya para sumama sa kanyang ina ay ayaw talaga nito.
“Ang matindi pa ro’n, ‘yung jeep na ‘yun na nga lang ang tinitirhan namin, na-Ondoy (bagyo) pa. ‘Yung damit ko tatlo lang. Sabi ng anak ko, ‘Pa, ‘yung tubig parang tumataas?’ Sabi ko, hindi tayo aabutin niyan tapos umapaw ‘yung creek, lumangoy kami papunta sa ibabaw ng chapel.
“Tapos makikita mo ‘yung mga damit mo inaanod. ‘Yung jeep, ‘yun ‘yung pinakakayamanan mo tapos na-Ondoy, ‘yung jeep ko putik-putik, wala na yung kutson ko. Natulog pa rin ako ro’n nu’ng gabi, basang-basa ako sa tabi ng manukan,” pag-alala ni Jobert.
At dito na niya nabanggit na nawalan na siya ng tiwala sa Diyos, “Minumura ko ang Diyos. Sabi ko, patayin mo na ako hindi ka ba naaawa sa akin. Kung totoong Diyos ka kunin mo na ako rito. Umiiyak ako pero minumura ko.
“Tapos kinabukasan nagising ako. Sabi ko wala rin palang kuwenta ‘tong ganito. Kaya inom ako nang inom kasi hinihintay ko na lang na mamatay ako,” pag-amin ni Jobert.
Paano naging artista si Jobert mula sa pagtira niya sa jeep at pagmumura niya sa Diyos? “Kasi nga pag nag-iinom ako kinukunan ako pang YouTube raw, e, hindi ko naman alam tapos sumikat sa university belt. Pero sa jeep pa rin ako nakatira no’n tapos natuto na rin ako sa social media may facebook na ako, so natsetsek ko na.
“Tapos may tumawag taga 93.9, sabi kung gusto ko raw mag-boardwork, sabi ko hindi ako marunong mag-surfing, tapos sabi nga DJ (discjockey). Sabi ko, paano ako mag-DJ?
“May partner daw ako kaya pumunta ako. Isang beses lang ako in-interview, nagsalita ako tuluy-tuloy tapos pinababalik na ako, may trabaho na ako.
“Tapos suweldo ko P15,000. So nu’ng nagkapera na ako, doon ako tumira sa Cubao sa kaibigan ko tapos meron nang nag-manage sa akin, ‘yun nga sa ABS-CBN.
“Tinanong ako kung gusto kong mag-artista, sabi ko, ‘mukha ba akong artista?’ Tapos pumunta nga kami sa ABS-CBN sa may restaurant doon, nanghiram pa ako ng polong bulaklakin. Tapos may dumating nga totoo nga! Yayamanin din ang itsura. Tapos dumating yung ‘Usapang Lalake’
“Doon na nag-umpisa sa Studio 23 tapos nakita ako ni Direk Bobot (Mortiz), pinatawid ako sa Dos Banana Split, tapos ‘yung tayo na nga, Happy Yippie Yehey, Sige Star, Sige TV, The Loop, TodaMax,” kuwento ng aktor.
Nagulat nga raw si Jobert dahil nu’ng sumusuweldo na siya ay bumalik siya sa bisyo, “Shabu ulit!”
Nang sumikat na raw siya, “Nagyabang at nakalimot na naman ako sa Diyos na nagbigay ng lahat sa akin, (balik) drugs na naman hanggang sa inabot na ako sa Sogo (kung saan siya nagtangkang magpakamatay).
“Isang linggo akong hindi natutulog, drugs lang ako nang drugs tapos naghiwalay na (totally) kami ng asawa ko kasi hindi na niya ako maintindihan talaga. Pinaalis na ako sa condo namin kasi ang gulu-gulo ko na baka sunugin ko pa ‘yun kaya nag-check in ako sa Sogo at doon na ako napraning.
“Nakakarinig na ako ng mga boses na ‘papatayin ka na namin’. ‘Yung speaker ng cellphone ko may lumalabas na boses. Ang laban naman talaga hindi naman pisikal, kundi spiritual, mental. Talagang demonyo ‘yung sound, eh. Kaya takot akong matulog,” seryosong sabi ni Jobert.
Kailangan nagising ang aktor para magbago? “Nu’ng natigil na naman ang mga shows ko kasi nag-lockdown tapos nawalan ako ng trabaho, nawalan ng trabaho sa Pilipinas tapos nawalan na rin ako ng hope. Kasi ang comedy identity ko ‘yan, pagkatao ko ‘yan kasi pag hindi na ako nagpapatawa, ano na ako?
“Na-depress ako tapos nag-aaway na kami ni Chad (bago niyang karelasyon na taga-Canada). Dumating sa point na maghihiwalay na kami.
“Minsan isang umaga nakita ang aga magising at may ka-chat. Minsan sinilip ko, nagba-Bible study pala. Sabi nga niya, di ba Kristiyano ka, dapat ikaw nagsasabi sa akin ng tama.
“Minsan may tumawag sa akin dito sa Pilipinas, hindi niya ako kilala. Nakita raw niya ako sa Facebook at sinabi niya taga-CCF ako (Christ Commission Fellowship). Naalala lang kita, gusto kitang ipag-pray. Sa 100 minessage niya, ako lang sumagot. Nu’ng nabasa ko ‘yung message niya iyak ako nang iyak sa CR, sabi ko sandali lang bro tatawagan kita.
“Down na down ako kaya ako umiyak tapos ‘yung pag-uusap namin (taga-CCF), nakakita ako ng pag-asa, tapos sabi ko Lord, ito ulit? So ‘yun ang umpisa.
“Sabi ko Lord ayaw ko nang mag-artista kung anong balak mo sa buhay ko, gamitin mo na ako, 50 years old na ako eh. Kung ginamit ko ang buhay ko noon sa kagaguhan at walang kuwentang bagay, Lord, gamitin mo. Sinusuko ko na ‘yung pangarap kong maging artista ulit ako, kikita pa ulit ako binigay ko lahat kay Lord ‘yun.
“Nagbabasa na ako ng Bible, may devotion, nagka-quiet time na ako, doon ko nakilala si Lord. Makikilala mo siya pag hinanap mo siya, pag nag-seek ka talaga, nakikipag-usap talaga siya sa akin noon. Walang pastor noon kasi lockdown. Ako at si Lord lang ng mga panahong ‘yun.
“Pag may tanong ako, sinasagot niya sa mga verses. Umiiyak ako kasi doon ko napatunayang totoong-totoo ang Diyos. Tapos ngayong okay na ako, sabi niya sa akin, anong gagawin mo sa Canada ngayon? Kukuya-kuyakoy ka na naman dito. Uwi ka ro’n (Pilipinas).
“Pinauuwi niya ako, tapos na-book na ako ni Chad, so kahit natatakot ako umuwi ako. Sabi ko pag-uwi ko ng Pilipinas, mga bakanteng oras ko, gamitin mo ako ha, di ba nag-o-online ako, nagpapatotoo ako, nagbibigay ako ng testimony,” tuluy-tuloy na pahayag ni Jobert.
“Kaya pag tinanong ako ngayon pero ‘wag muna sana kung kaya kong mamatay, oo, kaya kong ipagtanggol ang faith ko kasi iyon ‘yung joy ko ngayon sa buhay ko.
“Ang ini-invest ko ngayon, kung anong meron ako pag namatay ako kay Lord, ‘yung gusto kong marinig na ‘Bert pasok ka rito, nice one!” umiiyak pa niyang kuwento.
“Habang lumalapit ako kay Lord ngayon, pinupukol ako ng kalaban, ni Taning (demonyo). Hindi ako nagpapaapekto. Kahit gagapang ako, lalapit ako kay Lord kasi dito ako masaya. Kapag ginawa mong number one sa puso mo si Lord, lahat anino na lang lahat. Si Lord ang makakasama ko, siya ang investment ko pagkatapos nito (buhay niya sa lupa),” pahayag ni Jobert.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.