2 kilalang vlogger kinastigo matapos gawan ng 'fake news' sina Vice, Ion at Awra; pinagmulta ng P200k Bandera

2 kilalang vlogger kinastigo matapos gawan ng ‘fake news’ sina Vice, Ion at Awra; pinagmulta ng P200k

Ervin Santiago |April 19,2021
share this

2 kilalang vlogger kinastigo matapos gawan ng ‘fake news’ sina Vice, Ion at Awra; pinagmulta ng P200k

Ervin Santiago | April 19,2021 - 12:38 PM

NEGANG-NEGA ngayon ang dalawang kilalang vlogger na sina Buknoy Glamurrr at Gabo Adeva matapos magpakalat ng fake news tungkol kina Vice Ganda, Ion Perez at Awra Briguela.

At dahil sa kaliwa’t kanang batikos at masasakit na salitang isinampal sa kanila ng mga tagasuporta ng tatlong celebrities, napilitan silang mag-sorry sa harap ng madlang pipol.

Kahapon nagsimulang maging hot topic sa social media ang mag-trend sa Twitter ang mga pinagsasabi ng dalawang YouTuber laban kina Awra, Vice at Ion sa pamamagitan ng live stream ni Gabo sa TikTok kasama nga si Buknoy.

Sa isang bahagi ng video, binasa nila ang mga comments ng kanilang viewers tungkol kay Awra hanggang sa napagkatuwaan ni Buknoy na gayahin si Awra at nagsimulang gumawa ng mga pekeng kuwento tungkol kina Vice at Ion.

Ilang netizens ang nag-repost ng recorded video sa socmed na inalmahan nga ng netizens. Halos isumpa ng madlang pipol ang dalawang vlogger.

Kasunod nito, sa pamamagitan ng Facebook Live, muling humarap sina Buknoy at Gabo kasama ang mga manager nilang sina David Cabawatan at Vince Apostol ng Star Image Artist Management para mag-issue ng public apology.

Pahayag ni Gabo, “Naisipan ko mag-live sa TikTok account ko minsan. Kumakain lang ako, ‘tapos dumating si Buknoy…hanggang sa yung puro comments po is about po Awra.

“May exact moment po du’n na nabasa ko, sabi, ‘Pakisampal si Awra.’ So sabi ko, ‘O, sampalin mo daw si Awra.’ Which is yung response niya, ‘No, ayoko sampalin si Awra. Gusto ko siya yakapin.

“Hanggang sa sunud-sunod na po yung comments about Awra. Hanggang sa may nabasa ako din, naka-all caps: ‘CHILL LANG BUKNOY. SI AWRA LANG PAMBATO KO.’

“‘Tapos yun na yung nag-start siya magmura. Bale dun na po nag-start mag-screen record yung mga tao,” aniya.

Sinabi naman ni Buknoy na nadala lamang siya sa pambubuyo ng netizens, “Sabi ko, ‘E, di wow.’ ‘Tapos that time, napamura ako ng g*g* du’n sa nag-comment.

“‘Tapos nu’ng pa-worse nang pa-worse yung mga comment ng tao, kumbaga ang binabato nila sa akin, ako raw si Awra. Na panindigan ko magpanggap bilang si Awra. Du’n na nagtuluy-tuloy yung mga baklaang tsikahan na hindi naman talaga dapat ginawa pa nu’ng una,” paliwanag ni Buknoy.

Nakatikim naman ng matinding sermon ang dalawa mula sa kanilang mga manager. Sabi ni David, “Aware kayo du’n, di ba? Ba’t niyo sinasabi yun? Di niyo ba naiisip na may nakasubaybay sa inyo na menor de edad na puwedeng makarinig ng mga ganu’n?

“Na nagmumura kayo, Buknoy? Na nagsasabi kayo ng mga di tamang salita, Gabo?” dugtong pa nito habang umiiyak naman ang kanyang mga talents.

Aniya pa, wala raw silang magagawa kung magdemanda sina Awra, Ion at Vice.

Sabi pa ni David, “O, ano magagawa ng mga iyak-iyak niyo? The damage has been done. Ayan ang mga tao. So whatever legal actions of Vice Ganda at ng kanyang kampo, we need to accept that, especially the two of you.”

Narito ang mensahe ni Gabo kina Awra, Vice at Ion, “Gusto ko lang po humingi ng paumanhin kay Meme Vice. Sorry po kung nagkaroon kami ng ganu’ng conversation sa live. Maling-mali kami sa mga nagawa namin at sa mga nasabi namin.

“Gusto ko rin po humingi ng sorry kay Awra sa mga binitawan kong laos, o kung bakit ka binitawan ni Meme. Kay Mr. Ion Perez, gusto ko rin humingi ng tawad po dahil nadamay kayo sa isyu na ito. Hindi ko po ipagtatanggol kasi sobrang linaw po na kami po ang nagkamali.”

Pahayag naman ni Buknoy, “Marami na po akong beses humingi ng paumanhin sa lahat ng tao. Pero this time, gusto ko humingi ng pasensya sa mga taong naapektuhan, first of all sa managers ko, sa taong kumupkop sa akin.

“Meme, I’m so sorry kung pati ikaw nadadamay. And also kay Awra. Ayoko na lang pahabain pa yung apology na ito kasi di ko gusto na ipilit pa ang sarili ko. Alam ko marami ako nagawang mali.

“Kay Meme Vice na nasabihan ko ng mga mali na hindi kaaya-aya, tsaka kay Ion, sorry po sa mga nasabi ko na hindi niyo nagustuhan. Sana mapatawad niyo ako.

“At sa mga taong nagsasabing basura ako, sa mga bashers, sorry kung ito na naman yung mga nadatnan niyo sa akin.

“Awra, alam ko na marami tayong hindi pinagkakasunduan. Sana, this time, mapatawad mo ako. At sana makapag-usap na tayo.

“And sa mga taong nanonood ngayon, gusto ko humingi ng sorry. Ito na naman na nakita niyo sa akin. Imbes na mabuti, puro masama. Gagawin ko lahat para mahalin niyo ako ulit,” dagdag pa niya.

Pagmumultahin ng Star Image sina  Buknoy at Gabo ng tig-P100,000 na ido-donate naman daw sa mga nangangailangan ngayong pandemya.

Sabi pa ni David, “Nagdesisyon din kami na suspendihin kayo. One month without pay, sa mga existing projects niyo. Ibig sabihin walang bayad. It’s part of our agreed signed contract na kapag may ganyang misconduct, you need to be reprimanded.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending