Sanya bumuwelta sa basher na nagsabing OA siya sa ‘First Yaya’, ikinumpara sa dating show ni Jodi
MAY mga netizens na nagsasabing “OA” daw ang mga eksena ng Kapuso sexy actress na si Sanya Lopez sa primetime serye na “First Yaya”.
Matapang ngunit mahinahon namang sinagot ng dalaga ang mga nangnenega sa kanya sa nasabing GMA series kung saan katambal nga niya si Gabby Concepcion na gumaganap na presidente ng bansa.
Sa isa niyang vlog sa YouTube, binasa at nireplayan ni Sanya ang ilang comments ng mga nanonood ng “First Yaya” sa GMA Telebabad.
At isa nga sa mga ito ay nagsabing OA or over-acting daw ang pagganap niya bilang yaya sa mga anak ng karakter ni Gabby. Ikinumpara pa ng netizen ang kuwento ng “First Yaya” sa dating teleserye ng ABS-CBN na pinagbidahan nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap.
Diretsahang pahayag ni Sanya, “’Yung Be Careful With My Heart po, alam ko, balita ko na napakaganda ng teleserye na ‘yan pero uunahan po namin kayo na ang First Yaya po at Be Careful With My Heart ay magkaibang-magkaiba po. Sana later on magustuhan mo rin ang First Yaya.”
In fairness, kung may mga nambabasag sa akting ni Sanya sa serye, mas marami pa rin ang pumupuri sa kanya at nagsasabing perfect siya for the role. Narito ang ilan sa mga komento ng Team Sanya.
“Kakatuwa ka Melody (karakter ni Sanya sa drama series). Natural na natural lahat ng moves mo. Super enjoy ako sa panonood from Malaysia.”
“So proud of you Sanya Lopez. Ilang balde ban g luha ang iiiyak ko dito. Sobrang galing mo.”
“Gustong gusto ko ang role ni Melody. Kakakilig at kayang kaya niyang umarte. Nawawala stress ko pag napapanood ko na siya.”
“Sa nagsabing OA si Sanya, mas OA ka gurl. Nagmamarunong ka obvious. Saan banda yung OA dun? Sige nga? Mema lang?”
* * *
Ngayong pandemya, sumabak rin sa kusina ang mga Kapuso star at ang iba nga sa kanila, ibinahagi ang kanilang recipe sa “Good News” na mapapanood ngayong Lunes (April 19) sa GTV.
Sa tulong ni Maey Bautista, alamin natin ang sikreto ng homemade pizza ni Jennylyn Mercado. Ipakikita naman ni Richard Yap ang kanyang fried rice recipe. Para sa healthy and yummy pasta recipe, si Alice Dixson na ang bahala riyan.
Bukod sa turon o lumpiang shanghai, ituturo rin ng “Good News” ang kakaibang lumpia recipes na tiyak magugustuhan ng buong pamilya.
Aariba sa almusal ang lumpia version ng churros at pancake, habang pwedeng ulam naman ang lumpia tortilla. Para sa meryendang may Italian twist, subukan ang lumpia pizza.
At since “lugaw is essential,” titikman ni Love Añover ang sari-saring mga paandar nito. Uumpisahan niya ang pagsampol ng gotong pinagbibidahan ng puwet ng manok.
Abot-langit naman ang kaniyang kabusugan sa mga gotong may sinigang at Bicol Express twist. Para sa lugaw na kakaiba, susubukan niya ang version na may sisig at adobo egg.
Samahan si Vicky Morales sa “Good News” tuwing Lunes, 5:45 p.m. sa GTV.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.