Bea gusto nang magka-baby: Baka may donor na lang para kahit wala nang lalaki…
BUKAS ang isip at puso ni Bea Alonzo na magkaroon ng sariling baby nang hindi na niya kailangang makipagniig sa lalaki.
Totoong gusto nang magkaanak ng Kapamilya actress at ang talagang plano raw niya, in three years time, ay maging mommy na rin siya tulad ng ilang kasabayan niya sa showbiz.
Sa pakikipagchikahan ng ex-girlfriend ni Gerald Anderson kay Ethel Booba na mapapanood sa latest vlog ng komedyana, napag-usapan nga nila ang tungkol sa pagbubuntis.
Dito nabanggit ng tinaguriang Kapamilya Drama Queen na nakikita na niya ang sarili na nag-aalaga ng kanyang baby pero nagdadalawang-isip siya dahil sa kinakaharap pa ring health crisis ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Base sa mga naging pahayag ni Bea, hindi niya isinasantabi ang paggamit ng siyensya para maging isang ina in the near future sa pamamagitan nga ng “surrogate mother” o ang tinatawag na “surrogacy”.
Sabi ng aktres kay Ethel, “Pwede ba kitang kunin na surrogate mother kung sakali?”
Ang tila nagulat namang tanong sa kanya ni Ethel Booba, “Anong surrogate?” Na sinagot naman ni Bea ng, “Ikaw ‘yung magdadala ng baby ko?”
“Ano ‘yun ako ‘yung magbubuntis?” tanong uli ni Ethel. Paliwanag naman ni Bea, “Oo, pero eggs ko. If given a chance? Tatanggap ka ng surrogacy?”
“Oh my god! Magkano ba?” ang natawang reaksyon ng komedyana.
Chika naman ni Bea, “So guys alam niyo na. Kapag hindi pa ako mabuntis or mag-asawa sa lalong madaling panahon, papa-surrogate na ako.”
“Hindi kasi, successful, healthy at ang ganda ng baby mo. So, puwede!” dagdag pang papuri ni Bea kay Mommy Ethel.
Patuloy pang kuwento ng aktres, “Alam mo ba kapag nagpa-surrogate ka pala, parang sagot mo lahat-lahat ng bagay pero hindi legal ‘yun in the Philippines by law. Hindi pa siya legal.”
Tinanong naman ni Ethel si Bea kung kailan ba niya talaga gustong magka-baby, “So gusto ko, kung ako ang tatanungin, if it were up to me gusto ko in three years.
“Pero siyempre, hindi pa naman natin alam ‘yung ano ng buhay, sabi ko nga baka may donor na lang tayo. Para kahit wala nang lalaki,” dugtong ng magaling aktres.
Aniya pa, “Pero gusto ko na talagang magka-baby. Kaya sinasabi ko rin ‘to sa universe baka sakaling pagbigyan ako.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.