Sinas hindi dumaan sa health screening sa Oriental Mindoro
Lumipad patungong Oriental Mindoro si Philippine National Police chief General Debold Sinas para magbigay ng magandang balita sa kapulisan ng Mimaropa. Pero sa halip, umalis siya ng lalawigan na matinding pangamba ang iniwan.
Positibo sa Covid-19 ang resulta ng swab test ni Sinas na lumabas noong Huwebes, ang araw na dumalaw siya sa Police Regional Office ng Mimaropa na nakabase sa Calapan City para saksihan ang ceremonial na pagbabakuna laban sa sakit na coronavirus sa mga frontliners ng panrehiyong pulisya.
Sa pahayag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, sinabi nito na hindi dumaan si Sinas sa health screening na isinasagawa sa lahat ng mga pumapasok sa probinsiya.
“Si PGen. Debold Sinas ay hindi dumaan sa pier ng Calapan at hindi siya kabilang sa mga na-profile ng mga kawani ng PGOM. Siya ay dumating sa lalawigan lulan ng helicopter at dumiretso sa Regional Headquarters [ng PNP],” ayon sa pahayag ng lalawigan.
Sa mga pantalan sa Calapan, Puerto Galera, Pinamalayan at Roxas isinasagawa ang mandatory health and exposure assessment. Hindi dumaan si Sinas sa pantalan ng Calapan City dahil lulan ito ng helicopter na lumapag sa hindi aktibong paliparan ng siyudad sa Barangay Suqui.
“Ikinalulungkot ng pamahalaang panlalawigan ang pangyayaring ito,” ayon pa sa kapitolyo.
Wala pang reaksyon ang tanggapan ni Sinas sa pahayag na ito ng Oriental Mindoro.
Nananatiling asymptomatic ang hepe ng PNP na kasalukuyang naka-quarantine sa Kiangan Billeting Center sa Camp Crame, Quezon City.
Umaabot na sa 12,000 ang mga pulis na dinapuan ng Covid-19, kabilang na ang 752 na aktibong kaso. May kabuuang bilang na 32 naman ang namatay habang 11,217 ang gumaling.
Dati nang naging kontrobersiyal si Sinas matapos itong magdaos ng birthday party noong hepe pa siya ng National Capital Region Police Office noong Mayo 2020 sa kasagsagan ng pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.