Sharon sa mga artistang nagpapabayad para magpakalat ng fake news: OMG! Ikinahihiya ko sila!
“NEVER ako nagpabayad!” Yan ang diretsahang sinabi ni Megastar Sharon Cuneta sa lahat ng mga politikong inendorso o ikinampanya niya nitong nga nakaraang eleksyon.
Ayon sa actress-singer-TV host, kapag naniniwala at pinagkakatiwalaan ni Mega ang isang kandidato, talagang sinusuportahan niya kahit walang talent fee.
Nasabi yan ni Shawie nang hingan ng reaksyon tungkol sa mga celebrities at ilang social media influencers na nagpapabayad umano para magpakalat ng fake news.
“Oh my God! Ikinahihiya ko sila! Kasi kunyari pag artista ka, nu’ng kalakasan ko noong araw, may tatakbo kunyari na presidente, o-offer-an ka nang milyun-milyon para sila endorsohin mo,” simulang pahayag ng movie icon sa isa niyang panayam.
Diin pa niya, “Never ako nagpabayad. Lagi akong… I’d rather go with this one kahit matalo kasi yung prinsipyo or whatever my beliefs were pumapantay.”
Dagdag pang paliwanag ni Mega, hindi nalalayo ang sistemang ito sa pagtanggap niya ng mga product endorsements.
Kapag hindi siya naniniwala sa isang produkto o serbisyo, kahit malaki ang talent fee ay tinatanggihan niya ito.
“Parang sa endorsements, this is a well-known fact in the advertising industry. You can talk to anybody in any advertising company.
“Sa dami ng endorsement offers na tinanggihan ko over the decades, dahil ang feeling ko, babayaran nga ako pero yung produkto, parang palpak ‘to or yung serbisyong ‘to, hindi ko malunok.
“Kung pinatulan ko lahat ng endorsements na ‘yon, siguro doble na yung naipon ko sa ipon ko ngayon. It’s the same thing with me, ang feeling ko, kung sa fake news.
“Alam ko mahirap ang buhay, pero when does it stop? When does the moral high ground come in? Do you even have it? Do you even know it?” Paliwanag pa niya.
Pagpapatuloy pa ng misis ni Sen. Kiko Pangilinan, “Kasi di hamak na mas rerespetuhin ko ang isang totoong tao na tapat sa ginagawa kesa du’n sa pasimple kang nagpapabayad para mag-spread ka ng peke. Ginagamit mo yung impluwensiya mo sa maling paraan para kumita.”
Pagpapakatotoo pa niyang sabi, “Ikinahihiya ko na sabihing kasama ko sila sa industriya.”
Samantala, balik-Viva Films na nga ang Megastar sa pamamagitan ng pelikulang “Revirginized” na ididirek ni Darryl Yap, ang direktor din ng “Tililing.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.