Willie inihanda na ang mana ng lahat ng anak, pati 2 apo
GUSTUNG-GUSTO na ni Willie Revillame na lumaki at maglakad na ang 2-month-old niyang apo na si Gido, ang ikalawang anak ng panganay niyang si Meryll Soriano.
Si Gido ay anak ni Meryll kay Joem Bascon at ang panganay nitong si Elijah Palanca, 13 years old ay anak naman niya sa dating asawang si Bernard Palanca.
Sa isang panayam para sa kanyang online endorsement ay nabanggit ng “Wowowin” host na ang saya ng pakiramdam niya sa dalawa niyang apong sina Elijah at Gido kapag dinadalaw siya kasama si Meryll.
Nabanggit na ring inihanda na rin nito ang mana ng dalawang bata kaya naman napakaswerte talaga ng mga bagets.
Si Meryll ang panganay na anak ni Willie kay BecBec Soriano, kapatid ng aktres na si Maricel Soriano. Ang ikalawa niyang anak ay si Marimonte Shanelle Viduya-Revillame, na non-showbiz ang ina at sa Baguio na sila nakatira.
At ang bunsong si Juan Emmanuel o Juami na anak naman ng “Wowowin” host sa dating asawang si Liz Almoro-Aliwalas na may sariling pamilya na rin ngayon.
Nakatabi na rin ang mana ng tatlong anak ni Willie kaya wala nang problema ang mga ito pagdating ng panahon bukod pa nga sa dalawa niyang apo.
Masaya rin si Willie dahil close sa isa’t isa sina Meryll, Marimonte at Juami. Tanda nga namin, sinabi ng panganay niyang anak na tinanggihan nito ang alok ng ama na i-manage ang negosyo nila dahil iba ang linya niya at ibigay na lamang ito sa bunsong kapatid na noo’y bata pa.
“Siguro eventually, ako rin, pag-aaralan ko kasi masyadong bata pa si Juami,” saad ni Meryll nang huli naming maktsikahan.
Samantala, nabanggit ni Willie sa panayam sa kanya ng “24 Oras” na gusto niyang barkadahin ang mga apo niya paglaki ng mga ito.
“Hindi lang lolo, hindi lang apo, parang gusto ko na kaibigan mo, kabarkada mo ‘yung apo mo, ‘yung ganu’n. Kung ano ‘yung nakikita mo sa akin on TV, parang gusto ko ganu’n. ‘Yung iniinis mo, ‘yun ang gusto ko, eh.
“Pag dinadala sa akin ni Meryll ‘yung bata, sabi ko, ‘eto ‘yung mga mag-aalaga sa akin, ‘yung mga batang ‘yun. Parang feeling ko, ganu’n na,” sabi nito.
Kaya naman sobrang ingat ni Willie sa mga nakakahalubilo niya ngayong panahon ng pandemya dahil nga nakakasama niya madalas ang mga apo niya.
Anyway, isa pang nagpapataba ng puso ni Willie ay ang mga taong hindi niya kakilala na natulungan niya sa pamamagitan ng “Wowowin.”
“Every time na may nagba-Viber sa amin nagpapasalamat, pinapakita ‘yung pinamili, bigas, ‘yung gamot ng nanay, ‘yung gamot ng tatay. I think ‘yung realization nito is kailangan na kailangan natin ng tulong sa mga kababayan natin,” saad ni Willie.
Kaya kapag may nakikitang batang nasa lansangan ang TV host, “Minsan pag may nakikita akong bata, ‘Ito ako dati, dito ako nanggaling.’ So nararamdaman ko ‘yon.”
Sa kasalukuyan ay walang tigil sa pamamahagi ng tulong si Willie sa mga nangangailangan na hindi lang nababalita.
Kaya bukod sa mga anak at pamilya ng “Wowowin” host ay marami ang nananalangin para mapanatili siyang malakas at malusog para tumagal pa ang kanyang buhay at marami pa ang matulungan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.