Mga beteranang kontesera wagi sa Miss Bikini PH
HINIRANG na 2020 Miss Bikini Philippines sa isang virtual competition ang mass communication graduate mula Tacloban City na si Chelsea Fernandez.
Tinalo niya ang 23 iba pang mga kalahok para sa premyong P200,000.
Kamakailan lang, isa pang online pageant ang napanalunan ni Chelsea, ang Miss GCQ.
Mula nang manalong Miss Tacloban noong 2017, sunud-sunod na ang pagrampa na Fernandez sa mga beauty pageant. Sinungkit niya ang korona bilang 2018 Reyna ng Aliwan, dinaig ang iba pang mga kinatawan ng sari-saring festival sa iba’t ibang panig ng bansa.
Hinirang naman siyang Miss Philippines Water sa 2019 Miss Philippines Earth pageant.
Sa nagtapos na Miss Bikini Philippines pageant, iginawad din kay Fernandez ang mga parangal bilang Best in Swimsuit at Best in Evening Gown.
Nang tanungin kong “objectified” ba o “empowered” ang nararamdaman niya tuwing nagsusuot ng bikini, tugon ni Fernandez, “I feel nothing but empowered with wearing a bikini, and there’s no reason to objectify someone who wants to wear a bikini.”
Pagpapatuloy niya, “I joined this competition because I do support and want also to promote the concept of holistic wellness. And right now I’m wearing a bikini because I want to show the power of being empowered and confident and comfortable with your own body, a body that is worthy of love, acceptance, and most importantly, respect.”
Samantala, isa pang beterana ang pumangalawa kay Fernandez, si Chella Falconer ng Misamis Oriental.
Naging finalist sa 2018 Mutya ng Pilipinas pageant si Falconer, at kalaunan ay hinirang bilang 2019 Miss Kuyamis, isang patimpalak para sa mga dilag mula sa Misamis Oriental.
Sa panayam sa Inquirer, sinabi ni 2019 Miss Bikini Philippines Louise Theunis na makabuluhan pa rin ang pagdaraos ng isang beauty pageant sa gitna ng pandemya.
“Many have difficulty finding motivation to take care of themselves. The beauty of these ladies joining these pageants is a result of them nurturing their bodies, minds and hearts,” aniya.
“Not only are these women fit and beautiful, they are also strong, smart, and kind,” sabi pa ni Theunis.
Isinagawa ang 2020 Miss Bikini Philippines pageant ng health and wellness brand na Ultra, kasama ang ProMedia Productions.
Kabilang sa mga dating nagwagi sa patimpalak sina 2013 Miss Philippines Earth Angelee Claudette delos Reyes at 2015 Binibining Pilipinas International Janicel Lubina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.