Daniel sa kasal nila ni Kathryn: Ayoko ring madaliin, ang sa akin lang wag din tayo male-late
GAME na game na sinagot ng Kapamilya actor-singer na si Daniel Padilla ang mga question na matagal nang nais itanong sa kanya ng girlfriend na si Kathryn Bernardo.
Bilang Valentine’s Day treat ng Box-Office Queen sa kanyang mga YouTube subscribers, inimbitahan niya si DJ para mag-guest sa kanyang vlog.
Dito nga ibinato ni Kath ang ilang tanong sa kanyang boyfriend na aniya’y matagal na niyang nais sagutin ng DJ — at sa harap mismo ng milyun-milyong KathNiel fans.
Isa nga sa question ay kung nao-offend o nahe-hurt ba ang aktor sa tuwing sumasagot si Kathryn sa mga interview kapag natatanong siya tungkol sa pagpapakasal ng, “Matagal pa, hindi pa kami ready,”
Sagot ni Daniel, “Hindi naman, ayoko rin naman madaliin. Ang sa akin lang, huwag din tayo male-late, yun lang yung sa akin.”
Naiintindihan naman daw ng binata na marami pang gustong ma-achieve si Kathryn para sa sarili at para sa kanyang pamilya pero giit niya, mas okay kung ikakasal sila ayon sa napag-usapan nilang plano.
“Alam mo na yung sinabi ko sa iyo na minsan, ang dami mong gustong gawin, hindi mo na napapansin, napag-iwanan ka na.
“Tandaan niyo yan, minsan puro na lang tayo, ‘Gusto natin ito, gusto pa natin gawin ito.’ Magigising ka na lang, ‘Naiwan na ako.’
“Kapag ready na tayo, pero may pinag-usapan na tayo na dapat ‘di ba? Hindi na tayo dapat ma-late pa du’n. Mahirap pag pinagsisihan mo. Tandaan mo hindi na babalik ang oras,” paliwanag pa ni DJ.
Sa tanong naman kung ilan ang gusto niyang anak, dalawa ang sagot ni Daniel na sinang-ayunan din ni Kathryn. Wish pa ng aktres na lalaki at babae ang maging baby nila in the future.
Sey naman ni DJ, “Kahit ano mang uri ng pagkatao niya, okay lang.”
Nagbigay rin ng payo si Daniel sa mga young couples kung paano mas magiging matatag ang kanilang relasyon.
“Siyempre una, mahal natin yung isa’t isa. Pangalawa, sa lahat ng plano natin in the future, kasama ka, kasama ako.
“Pangatlo, walang katapusang pagsusuyo pa rin, di ba? Alam mo naman ako di ba, love? Iba lang, siyempre, parang hindi na nanliligaw.
“Pero hanggang ngayon, nag-e-effort pa rin ako sa ‘yo. Minsan nasu-surprise kita, di ba?
“May mga bagay akong ginagawa na akala mo uuwi na ako, hindi naman talaga ako uuwi. Yung mga simpleng bagay lang na mga ganu’n.
“Yun lang, siguro continuous lang yung pagpapakita mo sa tao na mahal mo siya. Kasi yun naman yun e, at saka hindi lang naman sa akin yun kundi sa iyo rin.
“Di ba? Kasi kung ako lang yun, mapapagod lang ako kung puro ako na lang yung nagbibigay sa iyo.
“Hindi naman sa humihingi ako ng kapalit pero siyempre kasama yun. Hindi puwedeng, ‘Mahal lang kita, mahal kita.’ Tapos wala naman ako.
“Hindi puwede yun. Siyempre, para mahalin kita lalo ay maramdaman ko rin na mahal mo ako. Ganun naman all the time,” dire-diretsong pahayag ng anak ni Karla Estrada.
Pahabol pa niyang advice, “At saka, i-praise niyo yung isa’t isa all the time. Appreciate niyo yung isa’t isa. Ipagyabang niyo yung isa’t isa.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.