(Ikatlong bahagi)
TUNGHAYAN natin ngayon ang pagbabara sa daloy ng dugo, “strokes”
Ang “circulatory system” ay lahat ng mga ugat sa buong katawan na dinadaanan ng dugo.
Palabas sa puso, ang tawag dito ay “arterial circulation”, pabalik sa puso ito ay “venous circulation” at ang nagdudugtong sa dalawa ay “capillaries”. Dahil sa tuloy-tuloy na pag-bomba ng puso, ang dugo ay walang sawang umiikot sa buong katawan, naghahatid ng nutrisyon at oxygen, kumukuha ng mga basura para itapon sa ihi, at ipinagpapatuloy na isulong ang kalusugan at buhay.
Kapag lumiit ang daluyan ng dugo o kaya naman magkaroon ng pamumuo ng dugo sa ano mang kadahilanan, ang resulta nito ay “stroke”, dahil tumitigil ang daloy ng dugo at nawawalan ng suporta ng nutriyon, oxygen at iba pang pangangailangan para mabuhay ang isang “organ” gaya ng puso, baga at utak. Namamatay ang mga parte na nawalan ng daloy ng dugo at syempre pa mahirap na mag-function ang mga ito at posibleng ikamatay ng pasyente.
Ang “stroke” ay kadalasan biglaan ang pangyayari. Emergency ang presentasyon at talaga naman na nakakabahala, kasi nga posibleng ikamatay ito lalo na kung nangyayari ito sa mga “vital organs” gaya ng puso (Acute heart attack), utak (CVA- Cerebrovascular accident), o baga (Acute pulmonary embolism). Nguni’t kung susuriin natin, ang sanhi ng “strokes” ay kadalasan matagal na proseso at pangyayari, dulot ng maling “lifestyle”, abuso at hindi pag-aalaga sa kalusugan.
Ang atake sa puso (Acute heart attack) ay kadalasan dahil sa pag-babara sa mga ugat sa puso dahil sa “Atherosclerotic Heart Disease”, pagkakaroon ng mga “plaques” lalo na kung mataba, may alta presyon, at may dyabetes.
Ang CVA ay dahil din sa “Atherosclerosis”, alta presyon, “congenital anomalies”, at mga namumuo na dugo dahil sa “Arrhytmia” o hindi regular na tibok ng puso.
Ang “pulmonary embolism” ay “stroke” sa baga na ang sanhi ay ang pagtapon ng mga namuo na dugo galling sa mga paa at binti na sanhi naman ng kumplikasyon ng “venous hypertension”, “varicose veins” lalo na pag namaga ang mga ito.
Ang simpleng kaalaman sa mga ito ay sapat na para makagawa ng mga paraan na maiwasan ang “strokes” dahil hindi madali gamutin ito lalo na kung ang kumplikasyon ay permanente na.
Kinakailangan na dalhin kaagad sa “emergency room” ng ospital ang pasyente na nagkakaroon nito, mabilisan ang gamutan para ma-reverse agad ito kung maari. Malayo na ang narating ng teknolohiya ukol sa pag-gamot ng “strokes” kaya dapat maging agresibo lamang sa pag-tuon dito.
Ang pinakamahalaga ay ang maiwasan ang mga sanhi nito na kadalasan ay kakambal ng maling “lifestyle”.
May nais ka bang isangguni kay Dr. Heal? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606, at abangan ang kanyang sagot tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.