Globe eLibrary: Gabay ng mga bata sa data privacy at seguridad online
Sa mga bata na gumugugol ng mas maraming oras sa internet para mag-aral at maglibang, malaki ang posibilidad na maging biktima sila ng mga kriminal na elemento na kumukuha ng personal na impormasyon upang ipagbili o ipanloko sa ibang tao. Dahil dito, minabuti ng Globe eLibrary na isama ang privacy ng data at seguridad para sa mga bata sa listahan nito ng mga libro na maaaring basahin o mai-download nang libre.
Pinamagatang Safe Space: A Kid’s Guide to Data Privacy, nilalayon ng aklat na ito na tulungan ang mga batang may edad na 7-12 na mas maunawaan ang konsepto ng data privacy at seguridad sa isang masaya at nakakaengganyong paraan. May kasama rin itong impormasyon ukol sa kahalagahan ng pagpapanatiling ligtas ng personal na data, kaalaman kung paano maaaring makompromiso ang naturang impormasyon, at mga paraan na maaaring gawin ng bata at magulang upang maiwasan na maging biktima.
Ang libro ay nilikha sa pamamagitan ng magkasamang pagsisikap ng Globe, ng National Privacy Commission, at ng Center for Art, New Ventures & Sustainable Development (CANVAS). Ginawa rin ng CANVAS ang likhang sining para sa pabalat.
Si Liza Flores ang lumikha ng cover sa aklat.
“Nais naming magkaroon ang mga bata ng mas malalim na pag-aaral at kamalayan tungkol sa pagkapribado ng kanilang data at seguridad upang maprotektahan ang kanilang sarili habang gumagamit ng Internet,” sabi ni Yoly Crisanto, Globe Chief Sustainability Officer at SVP for Corporate Communications.
Ang pagsasama ng Safe Kids sa Globe eLibrary ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Globe na panatilihing ligtas ang mga bata online. Ang Globe, sa pamamagitan ng Digital Thumbprint Program, ay tumutulong sa mga kabataan, mga magulang, at mga guro na matuto at magsanay para sa kaligtasan nila online, at sa responsableng paggamit ng internet.
Ang Globe eLibrary ay inilunsad noong Abril ng nakaraang taon upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa kalidad na materyales na pang edukasyon sa gitna ng pandemya. Naglalaman ito ng mga aklat-aralin sa pangunahing mga paksa tulad ng Math, Science, English, Filipino, Music, at Arts na akma para sa mga mag-aaral ng K-12 pati na rin ang mga lokal at international na aklat ng mga kwento.
Mayroon din itong interactive na mga video sa Math, Science, English, Values, at Hygiene at Sanitation upang makatulong sa pag-aaral ng mga bata. Ang ilan sa mga video na ito ay binuo ng mga guro.
Ang mga eBook at video ay magagamit nang libre mula sa Globe eLibrary website https://globeelibrary.ph/ o mobile app. Maaari rin itong ma-download para sa anumang oras na pag-aaral. Maaaring ma-access ng mga customer ng Globe o TM ang Globe eLibrary mula sa kanilang mobile phone nang walang gastos o bawas sa kanilang data.
Itinataguyod ng Globe ang kalidad na edukasyon na isa sa mga United Nations Sustainable Development Goals na sinusuportahan ng kumpanya. Upang magkaroon ng karagdagang kaalaman ukol dito, bisitahin ang https://www.globe.com.ph/about-us/sustainability.html#gref
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.