Glaiza biglang napaiyak nang mapag-usapan si David: Ang saya lang ng feeling tapos biglang…
NAPAIYAK ang Kapuso actress-singer na si Glaiza de Castro nang mapag-usapan ang kanyang fiancé na si David Rainey.
Nakauwi na ang dalaga sa Pilipinas matapos ang halos dalawang buwang pagbabakasyon sa Ireland kung saan siya nag-celebrate ng Pasko at Bagong Taon.
Doon din nag-propose si David sa kanya kaya talagang hinding-hindi na niya makakalimutan ang nagdaang holiday season habang siya’y nabubuhay.
Ngunit naikuwento ni Glaiza na bago siya nakauwi sa Pilipinas ay na-hold daw siya sa Abu Dhabi airport dahil nag-expire na ng dalawang oras ang kanyang swab test result.
Makalipas ang isang oras ng paghihintay, na-clear na rin siya at ang iba pang na-hold na pasahero. Nang makarating sa bansa, agad siyang nag-quarantine sa isang hotel malapit sa airport na tumagal din nang ilang araw.
At nang magpa-swab uli bago tuluyang umuwi sa kanilang bahay, negatibo pa rin ang naging resulta ng test.
Sa panayam naman ng GMA, inamin ni Glaiza na inaatake siya ng kalungkutan kapag naaalala niya ang fiancé na si David, lalo na ang eksena sa airport habang nagpapaalam na sila sa isa’t isa.
“Ang saya lang ng feeling tapos biglang babalik ka ulit sa reality na wala na ulit, ‘yung ganu’n. Babalik na naman kayo du’n sa dati n’yong gawi,” umiiyak na sabi ni Glaiza.
Samantala, nang matanong tungkol sa magiging selebrasyon nila ni David ng Valentine’s Day, “Ako kasi, sinagad ko na doon, e. Nung nagpunta ako, Christmas, New Year, birthday, Valentine’s, sinelebrate na namin lahat doon.”
“Pero, normal lang siguro. Lagi naman kami nag-uusap, Facetime, ganyan, meron din kaming mga paandar na workout, minsan nagwo-workout kami together kahit online.
“Kumakain kami. Since magkaiba ‘yung time, lunch sa kanila, ako dinner. So siguro, same, ganun din kung ano ‘yung ginagawa namin usually,” aniya pa.
Kung matatandaan, sinabi ni Glaiza na hindi ngayong taon magaganap ang kasal nila ni David, “Definitely hindi pa sa 2021 pero baka after na po. We’re still taking our time.
“Hindi naman kami masyadong nagmamadali especially may mga work pa na nag-aantay na.”
“Sa Philippines (ang kasal) pero I would say na very simple lang kasi simple lang naman kami pareho. It’s definitely not gonna be a grand wedding. Basta nandu’n lahat ng mga importanteng tao, friends, and family.
‘Yun na ‘yon,” sey pa ng aktres.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.