Richard Yap nagbigay ng safety tips para sa ‘pasaway’ na rider; KMJS aalamin ang sikreto ng ‘Lyka’
NAGBAHAGI ng ilang tips at payo ang bagong Kapuso leading man na si Richard Yap sa mga rider KM para maiwasan ang mga aksidente sa lansangan.
Ayon kay Richard, maraming bagay ang dapat isaisip at isapuso ng bawat rider o driver kung paano magiging ligtas sa pagmamaneho, isa na riyan ang pag-enroll sa mga motorcycle riding course.
“Kasi karamihan ng mga tao sa atin, ‘yung riders, they go from riding a bicycle directly to driving a motorcycle.
Iba ang bisikleta, iba rin ang motor,” sabi ni Richard nang mag-guest siya sa weekly morning show na “Sarap Di Ba?”
Aniya pa, “Kasi ang motor may makina, so you have to take into account the power of a motorcycle. Hindi yung basta ka lang sasakay at magpapaandar.”
Bukod dito, matututo rin ang isang rider kung paano mag-brake sakaling magkaroon ng emergency at ano ang kaniyang kailangang gawin sa mga sirang kalsada.
At siyempre, ang isa sa pinakamahalagang paalala ng aktor, huwag na huwag kalilimutang gumamit ng safety riding gear, tulad ng full face helmet.
“I’ve seen a lot of riders na ang ginagamit nila ‘yung helmet pang-skateboard, which is not going to help you at all.
“Maraming nahuhulog sa motor, maraming naaaksidente, ‘yun ang gamit, hindi sila napoprotektahan,” pahayag pa ng Kapuso actor.
Dagdag pa niya, magsuot din ng protective pants at motorcycle-riding shoes o boots para kung may mangyayaring aksidente hindi masyadong mapupuruhan ang inyong balat
“Kapag sumemplang kayo, nakatsinelas kayo, tocino lahat ng skin niyo. We don’t that to happen,” sabi pa ni Richard.
Hindi rin daw tama ang mag-split lane kapag mabilis ang takbo ng mga sasakyan sa kalye, “Kapag mabilis ‘yung takbo ng iba, huwag mo rin silang sabayan kasi a small miscalculation, puwede kang maipit. Madami ang naaaksidente dahil diyan.”
* * *
Ngayong Linggo, samu’t saring kuwento na naman ang tampok sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” (KMJS).
Bilang pagdiriwang sa ika-500 taong anibersaryo ng Battle of Mactan, naglabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng isang commemorative banknote kung saan nakaimprenta ang mukha ni Lapu-Lapu. Pero sino nga ba talaga ang kinikilalang unang bayani ng mga Pilipino?
Samantala, ano itong nauusong app na nako-convert ang likes at gems sa pera? Marami na nga ang nahuhumaling sa app na Lyka, kabilang na ang ilang sikat na artista. Pero paano ba ang tamang paggamit nito?
Speaking of Lyka, kilalanin din si Lyka — dating akyat-barko, pero ngayon ay nais nang makilala ang walong anak niya na may iba’t ibang lahi na kanyang pinaampon! May anak siyang Pakistani, Ruso, Arabo at Pilipino. Mananaig kaya ang kapatawaran ngayong Bagong Taon?
Abangan ang mga ito at iba pang kuwento sa “KMJS”, 8:25 p.m. sa GMA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.