Buhay pa si Christine hanggang 10 ng umaga ng Bagong Taon, ayon sa kaibigan
Buhay at humihinga si Christine Dacera hanggang 10:00 ng umaga noong Enero 1, Bagong Taon, ayon sa isang respondent ngayong Biyernes.
Pero nang muli niya itong lapitan dakong 12:00 ng tanghali, nangingitim na ang labi at wala ng pulso ang flight attendant, ayon kay Rommel Galido, kaibigan ni Dacera.
“Una ko siyang nakita 10 a.m. then I tried to wake her up para sabihin na, ‘Christine, lipat ka sa bed para comfortable ka…’ And then si Tin, nakita ko si Tin, humihinga pa,” wika ni Galido sa panayam ng ABS-CBN News Channel.
Sinabi ni Galido na sa walang lamang tubig na bathtub ng hotel na kanilang pinagdausan ng party natulog ang 23-anyos na si Dacera.
“Pagdating ng 12, bumalik nanaman ako ng CR para i-check si Christine para sabihan na umuwi na tayo kasi may work pa ako, sabi ko,” wika ni Galido.
“And then doon ko na napansin na hindi na siya humihinga, wala na siyang pulse. Breathing niya wala and then yung lips niya purplish, dark na,” dagdag niya.
Sinabi ni Galido na ginising niya ang iba pa niyang kaibigan at humingi na rin ng tulong sa staff ng hotel. Nagpalitan umano silang nagsagawa ng CPR kay Dacera.
Si Galido, pati na rin sina Valentine Rosales, John Pascual dela Serna III at Clark Rapinan ay tumatangging may kinalaman sila sa pagkamatay ni Dacera.
Ibinalik ng Makati City prosecutor’s office ang probisyunal na reklamong rape with homicide na isinampa ng pulisya laban sa 11 lalaking kasama ni Dacera sa hotel dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.
May ulat ni Krissy Aguilar, INQUIRER.net
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.