Sotto sa banta ni Duterte: Sino bang nagsabing ipapatawag ang PSG sa Senado?
Mariing pinabulaan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ipapatawag sa Senado ang Presidential Security Group (PSG) ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa hindi awtorisadong pagpapabakuna nila laban sa Covid-19.
“Ako ang chairman ng Committee of the Whole bilang Senate President. Ang pag-uusapan sa hearing ay ang plano para sa P72.5 bilyong budget para sa vaccines,” ani Sotto sa isang pahayag.
“Sino ba ang nagsabi sa kanya na ipapatawag ang PSG? Sa tingin ko nililito lang si Presidente,” dagdag pa ni Sotto.
Una nang sinabi ni Senate Minority Franklin Drilon na dapat ipatawag sa Senado ang hepe ng PSG na si Brig. Gen. Jesus Durante III upang bigyang linaw ang isyu.
Dahil dito, nagbanta si Duterte laban sa Kongreso at sinabing hindi nya hahayaang humarap ang PSG sa isasagawang imbestigasyon ng Senado.
Inutusan din ng Pangulo ang PSG na gamitin ang kanilang karapatan na manahimik o huwag sumagot sa mga akusasyong ibinabato sa kanila.
Kasunod nito, tahasang sinabi ni Sotto na hindi ipapatawag ng Senado ang PSG.
“Hindi. Ako Chairman. Wala akong binabago sa original na hearing intent. Bakit pinangungunahan nila ako?” aniya sa isang hiwalay na pahayag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.