Alex nagustuhan ni Mikee dahil jologs: Tsaka hindi ako mahilig magEnglish
IBINUKING ni Alex Gonzaga na isa sa dahilan kung bakit siya nagustuhan ng fiancé niyang si Mikee Morada ay dahil “jologs” siya at hindi mahilig magsalita ng English.
Ito ang tumatawang sabi ng TV host-actress-vlogger sa bagong vlog niya s YouTube nitong Enero 1 habang nagdi-dinner sila ni Mikee kasama ang kaibigang vlogger din na si Jamil at ang girlfriend nito.
Nagkatanungan kasi kung ilang taon na ang mga relasyon nila at nabanggit nga ni Jamil na four years na sila, “Ay kami rin, four years na,” sagot ni Alex.
At dito nabanggit ng dalaga na, “Si Mike ano ‘to eh, ayaw niya ng English-English, ako nga ang nagustuhan niya, jologs talaga. ‘Yung mga ex niya ganu’n (English speaking).
Nagulat si Mikee at sabay sabing, “Shhhh, mamaya manood sila (mga ex).’’
Mabilis namang sagot ni Alex habang tawa nang tawa, “Hindi ko sasabihin kung sino (pangalan ng ex) siyempre!” At wala nang nagawa si Mikee sa kataklesahan ng kanyang mapapangasawa.
Samantala, maraming natirang pagkain sa “foursome” dinner date nina Alex, Mikee, Jamil at ng partner nito kaya sinabi ng una sa head waiter ng posh restaurant na ite-take out nila ang mga ito.
Inilabas ni Alex ang plastic na lagayan ng ice cream, “Magte-take out kami kuya kasi sayang naman. Siyempre ang Tupperware ng bayan. Ito (steak) ilalagay ko rin dito para kay Bantay (birong sabi nito). Itong mashed potato masarap din to. Hayan handa na ang Tupperware para kina mommy at daddy.”
Pati ang wine na natira nilang nasa bote ay hindi pinatawad ni Alex at inilagay din niya sa plastic na may straw na nagmukhang softdrink.
“Sayang may natirang wine, alam mo Wolfgang (pangalan ng restaurant) hindi kami ipinanganak kahapon. O, Mikee sa ‘yo ‘yan (ang isang supot ay kay Alex), o cheers!” sabi pa ng actress-vlogger.
Natatawa naman ang mga waiter kay Alex at pinasalamatan sila ng dalaga sa ibinigay nilang plastic na lagayan ng tirang pagkain at plastic na supot para naman sa wine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.