Target ni Tulfo ni Mon Tulfo
MAY kasabihan na kapag alam ng tao na siya’y mamamatay na, ang sinasabi niya ay pawang katotohanan.
Lalo na kung ang taong yun ay si former Budget Secretary Emilia Boncodin na punung-puno ng prinsipyo sa buhay.
Si Boncodin ay isa sa mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Gloria na nagbitiw ng tungkulin dahil sa “Hello Garci” scandal noong 2005.
Ang dating secretary of the budget mula kay Pangulong Ramos hanggang kay Pangulong Gloria ay naghayag ng palpak na paggamit ni GMA ng pondo ng gobyerno.
Kulang na lang sabihin ni Boncodin na nagnakaw si GMA ng kuwarta ng taumbayan.
In a forum at the Asian Institute of Management in January, Boncodin disclosed President Gloria’s use of “unprogrammed fund” in the national budget and the realignment of debt service appropriations to fund her programs.
Ibig sabihin ay nag-hocus pocus si GMA sa paggamit ng national budget.
Gumamit siya ng pera na pambayad sana sa utang ng gobyerno sa ibang bagay.
Di biro ang ginamit ni GMA sa hocus-pocus: P29 billion noong 2008 na naging resulta ng pagtaas ng national budget sa ganoong halaga.
Saan napunta yung P29 billion?
Sinabi ni Boncodin na ginastos ni Gloria ang P50 billion noong 2009 na pambayad sana sa utang ng ating bansa sa ibang bagay.
Ano ang pinagkagastusan ni Gloria sa P50 billion?
Huwag na tayong magpatumpik-tumpik pa: Kung hindi maipaliwanag ni GMA kung saan niya ginastos ang P79 billion, napunta sa kanyang bulsa at sa bulsa ni First Gentleman Mike Arroyo ang malaking halaga.
Huwag na tayong magtaka kung involved ang mag-asawa sa fund diversion dahil alam na natin na nasangkot si Mike Arroyo sa ibang anomalya gaya ng NBN-ZTE overpriced scandal, ang South and North railways overpricing scandal, at lagayan sa jueteng.
Susmaryosep! Hindi mabilang ang nakulimbat ng mag-asawa kung isasali pa natin ang hindi nabunyag na mga anomalya.
Baka matalo pa nila ang mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos sa pagnanakaw sa taumbayan.
* * *
Si Boncodin ay simpleng government official.
Hindi niya inabuso ang kanyang puwesto.
Nang siya’y budget secretary, ang kanyang service vehicle ay Revo samantalang ang kanyang mga kasamahan sa Gabinete ay nakasakay sa magagara at mamahaling kotse.
Hindi nga nagsuot ng relo si Boncodin upang di niya malaman ang oras.
Gabing-gabi na raw kapag natapos siya sa pagtatrabaho bilang budget secretary at maaga itong pumapasok.
Nakapanghihinayangg ang kanyang pagpanaw dahil siya’y ulirang public servant.
* * *
Masama raw ang loob ni Lt. Gen. Raymundo Ferrer, commander ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom), dahil di siya ang napiling Army chief.
Ang napili ni Pangulong Gloria na Army chief ay si Maj. Gen. Reynaldo Mapagu na junior kay Ferrer.
Si Mapagu ay member ng Philippine Military Academy Class 1978, samantalang si Ferrer ay PMA Class 1977.
“Mistah” daw kasi ni GMA si Mapagu dahil adopted ang ating Pangulo ng PMA Class 1978.
Sa aking palagay hindi yun ang dahilan kung bakit na-bypass si Ferrer sa pagiging Army chief.
Hindi siya ang nahirang sa pinakamataas na posisyon ng Army dahil sa malakihang nakawan sa Maguindanao.
Nang i-declare ang martial law sa Maguindanao dahil sa masaker, sinalakay ng Army troops ang mansion ng mga Ampatuan sa Shariff Aguak.
Si Ferrer, bilang Eastmincom chief, ang naging martial law administrator sa Maguindanao.
Nilimas daw ng mga sundalo ang vault sa mansion na naglalaman ng daan-daang milyong piso.
Hindi malaman kung saan napunta ang malaking halagang yun.
Kung hindi madisiplina ni Ferrer ang kanyang mga tauhan sa Eastmincom, paano niya madisiplina ang lahat sa Philippine Army?
Dapat ay huwag na siyang umangal na di siya na-promote sa pagka-Army chief.
Dapat sana ay sinipa siya bilang Eastmincom chief dahil sa naganap na plunder sa Maguindanao.
BANDERA, 031810
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.