Pagkuha ng bagong prangkisa ng ABS-CBN posible pero di madali, ayon kay Marcoleta
Taliwas sa pagtiyak ni House Deputy Speaker Atienza na sa 2021 ay posible nang makakakuha ng panibagong legislative franchise ang ABS-CBN sa ilalim ng liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco, para kay SAGIP Partylist Representative Rodante Marcoleta ay dadaan pa rin ito sa butas ng karayom.
Ayon kay Marcoleta, isa sa pangunahing tumutol sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, may karapatan ang TV network na muling mag-apply ng prangkisa sa Kamara.
Pero kung maaprubahan ito ay nakadepende sa maraming bagay, una na dito ay kung nagkaroon ng reporma, nagkaroon ng bagong management at kung natugunan na ang mga naging violations nito, ani Marcoleta.
“Kung mag-apply sila pero yung mga tao nasa likod nito ay sila sila pa rin, yung pasilidad ganun pa din, walang nakitang reporma ay baka hindi pa rin sila mabigyan ng franchise” aniya.
Giit pa ng mambabatas na sakaling maghain ng bagong aplikasyon sa prangkisa ang ABS-CBN, bawat probisyon ay bubusisiin.
“Yung provision sa kanilang franchise mula Section 1 hanggang sa dulo ay susuriin nang mabuti. Ito ay pagtiyak na hindi na mauulit yung mga naging violations. Kaya matatagalan pa bago ang sinasabing makakabalik sila sa ere,” paliwanag pa ni Marcoleta.
Para din sa grupong Federation of International Cable TV and Telecommunication Association of the Philippines (FICTAP), dapat munang bayaran ng ABS-CBN ang P1.6 trilyon nitong penalties sa naging violations nito bago pa magbalak na mag-renew ng kanilang prangkisa.
“Bago sana pag-usapan sa Kamara yung renewal, ma-satisfy ang government na mabayaran yung penalties, kasi kaming cable operators pagka meron kaming mga shortcomings sa National Telecommunications Commission hindi narerenew yung aming mga permit kung hindi kami magbayad ng mga unpaid na penalties, eh bakit sila magrerenew nang hindi naman sila nagbabayad ng kanilang penalty,” pahayag ni FICTAP president Estrellita Tamano.
Matatandaan na una nang kinumpirma ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na sa ilalim ng pamumuno ni Velasco ay maibabalik muli sa floor ang diskusyon sa pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN.
“I am really confident, justice will prevail by next year. They (ABS-CBN) were maltreated, they were maltreated, they were eventually assassinated, so they should be given justice. Ako, I am just giving the new Speaker time to settle. Hindi naman natin puwedeng biglain, major battle, kauupo lamang niya. But I am not shying away from the responsibility and for the opportunity to come – that I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion. Hindi ‘yung special firing squad ang pumatay sa ABS-CBN, firing squad eh,” nauna nang pahayag ni Atienza.
Sinabi naman ni House Minority leader at Abang-Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na pagpasok ng 2021 ay maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN alinsunud na rin sa rules ng Kamara.
Maliban kay Atienza at sa Makabayan Bloc, ilan pang mambabatas na sumusuporta at nag-sponsor ng iba’t ibang resolusyon at panukala para sa franchise renewal noon ng ABS-CBN ay sina Rep. Sol Aragones, Lawrence Fortun, Mark Go, Rufus Rodriguez, Josephine Sato, Micaela Violago, Rosemarie Arenas,Loren Legarda, Vilma Santos-Recto at Joy Tambunting. Ang dalawang sponsor na sina Paduano at Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ay nagwithdraw ng kanilang support kalaunan.
Sa ngayon ay wala pang mambabatas na pabor sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN ang nagpahayag ng kanilang intensyon na maghain ng panukala para i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN subalit kung pagbabatayan ang House rules ay maaaring hindi na maghain ng bagong aplikasyon dahil maaari namang gamitin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.