Ang Red-tagging ay nakakabahala lalo na’t kung ito ay ginawad ng gobyerno o taong gobyerno sa isang indibidwal o organisasyong may adbokasiya ng pagbabago kontra sa mga maling patakaran o pagpapatakbo ng gobyerno, o yung mga kritiko ng gobyerno, o yung mga binansagan ng ilan na mga “reklamador”.
Ang Red-tagging ay ang pag-label, pag-marka, pag-taguri, pagtawag at pag akusa sa isang indibidwal o organisasyon bilang isang makakaliwa, subersibo, komunista o terorista, na ginagamit na isang stratihiya ng ahente ng estado partikular ang law enforcement agencies at militar laban sa mga pinaniniwalang may banta o kalaban ng gobyerno. Sa madaling salita, sa Red-tagging inuugnay ng gobyerno o taong gobyerno ang isang indibidwal o organisasyon sa komunista o sa military armed group nito—ang National People’s Army (NPA).
Hindi natin maitatanggi ang mga masamang sinapit ng mga nauna ng naging biktima ng Red-tagging. Karamihan sa kanila ay na-harass, lalo nasa social media, pinaratangan at tinawag ng kung anu-ano, tinakot at pinagbantaan at ang ilan sa kanila ay pinatay.
Ang Red-tagging ay halos katumbas na mapabilang sa listahan ng narco-list ng Malacanang, kung ang mga sinapit ng mga nabiktima nito ang pag-uusapan.
Sa Red-tagging, direktang sinasabi ng gobyerno na ang isang indibidwal o organisasyon ay konektado sa komunista at sa NPA maski wala pang napapatunayan sa korte.
Ito ay isang klarong paglabag sa karapatang pantao partikular sa due process clause ng Constitution.
Ano bang basehan ang ginagamit ng gobyerno o ng taong gobyerno sa Red-tagging ng mga indibidwal?
Tila ang Red-tagging ay ginagawad sa mga kritiko ng gobyerno. Sa mga “reklamador.” Sa mga may adbokasiyang lumaban at kumukontra sa mali, hindi makatarungan at makataong polisiya ng gobyerno. Sa mga komukontra sa maling pamamalakad ng gobyerno.
Ito ang “common denominator” ng mga naging biktima ng Red-tagging. Mga indibidwal na hindi natakot ipahayag ang kanilang damdamin laban sa maling pamamalakad ng gobyerno. Mga indibidwal na hindi natakot magsalita.
Ngunit ang pag-adbokasiya laban sa mga mali, hindi makatarungan at makataong polisiya ng gobyerno ay parte ng isang demokrasya. Isang karapatan ng mamamayan gawin ayon sa Constitution.
Ang mag-nais at mangarap ng isang magandang gobyerno na tutugon sa mga pangangailangan ng mamamayan ay likas na karapatan ng lahat ng mamamayan.
Karapatan ng lahat ng mamamayan na malayang magsalita, sabihin ang damdamin sa gobyerno.
Gaya ng lahat, ang mga kritiko ng gobyerno o yung mga “reklamador” ay may karapatang magpahayag ng kanilang damdamin at magsalita tungkol sa palakad ng gobyerno o yung right to air grievances at ito ay ginagarantiyahan naman ng Constitution.
Ang lahat ng mamamayan, kasama ang mga “reklamador” at kritiko ng gobyerno, ay may constitutional right na magpahayag ng kanilang mga damdamin (to air their grievances) ukol sa mga bagay-bagay na sa tingin nila ay maling pamamalakad ng gobyerno.
Kasama dito ang magreklamo at ihayag at sabihin na mali ang paraan na ginagawa o sinusulong ng gobyerno.
Kasama din sa karapatan ng lahat na punahin (criticize) ang gobyerno kung sa tingin nila ay wala itong ginagawa upang solusyonan ang isang krisis o sitwasyon.
Ang pagsasalita, pagrereklamo at ang pagpuna sa mga maling gawain at hakbangin ng gobyerno ay hindi maituturing isang subersibo. Hindi komunista. At lalong hindi terorista.
Itigil ang Red-tagging.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.