Laro sa Huwebes
(The Arena)
6 p.m. Mapua vs
Emilio Aguinaldo
Team Standings:
Letran (8-1); San Beda
(7-2); Perpetual (7-2); Jose Rizal (5-4); San
Sebastian (4-5); Emilio Aguinaldo (3-5); St.
Benilde (3-6); Arellano (3-6); Lyceum (3-6);
Mapua (1-7)
KAMPANTE nang angat sa 27 puntos ang Lyceum of the Philippines University Pirates ilang segundo bago matapos ang ikatlong yugto nang biglang nanlamig ang mga kamador nito.
Ngunit sa huling 15.1 segundo ay nanumbalik ang sigla ng Pirates para mangibabaw pa rin sa San Sebastian College Golden Stags, 60-55, sa 89th NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Si Wilson Baltazar ay gumawa ng career high na 19 puntos, tampok ang limang tres, habang may 12 puntos pa ang bihirang pumuntos na si Joemari Lacastesantos.
Ngunit malaki ring tulong ang dalawang puntos ni Andrei Mendoza dahil ito ang tumapos sa 24-0 pag-atake ng Stags matapos hawakan ng tropa ni Lyceum coach Bonnie Tan ang 58-31 bentahe, may 63 segundo ang nalalabi sa ikatlong yugto.
Tinapos ng panalong ito ang limang sunod na pagkatalo ng Pirates upang wakasan ang first round elimination na katabla ang Arellano University Chiefs sa ikawalo at ikasiyam na puwesto sa 3-6 baraha.
“July 6 pa ang last win namin and every game is a learning experience. Ang maganda lang sa larong ito, ibinigay nila ang best nila,” wika ni Tan.
Sa kabilang banda, ang tropa ni San Sebastian coach Topex Robinson ay nalaglag sa ikatlong sunod na pagkatalo tungo sa 4-5 baraha.
Si Jaymar Perez ay mayroong 16 puntos ngunit ang ibang inaasahan tulad nina Leo de Vera, Bradwyn Guinto at ang nagbabalik mula sa sprained ankle injury na si Jamil Ortuoste ay nalimitahan sa single digit.
Nagkaganito man ay nakapanakot pa rin ang Stags matapos makadikit sa tatlong puntos, 58-55, may 24.7 segundo sa split sa 15-foot line ni Guinto.
Binasag ni Mendoza ang mahigit na siyam na minutong kawalan ng puntos ng Pirates sa kanyang layup bago sumablay si Ortuoste sa kanyang tres at si Jovit dela Cruz sa kanyang tangkang follow-up upang makahulagpos ang Lyceum.
Si Baltazar ay may dalawang tres tungo sa walong puntos para tulungan ang Lyceum na makagawa ng 22 puntos sa ikatlong yugto.
Anim pa ang ibinigay ni Lacastesantos habang ang tres ni Shaquille Oswald Alanes ang nagtala sa pinakamalaking bentahe sa laro sa 27 puntos.
Dalawang sunod na split sa 15-foot line ang ginawa ni Perez para tapusin ang iskoring sa ikatlong yugto na pabor pa sa Lyceum, 58-33, bago sunud-sunod na sablay ang nangyari sa Lyceum para maisulong pa ng Stags ang 22-0 run.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.