Maraming deputy speakers sa Kamara, hindi kailangan–political analyst
Malaking kalabisan ang ginawang pagtatalaga ng 29 na House Deputy Speaker sa Kamara de Representantes, ayon sa isang political analyst.
Sinabi ni Mon Casiple na hindi kailangan ng ganoon karaming deputy speaker ng Mababang Kapulungan lalupa’t wala namang naipakitang nagagawa ang mga ito.
Ganundin, sinabi niya na habang dumarami ang itinatalagang deputy speaker ay lomolobo naman ang gastos ng Kamara.
Malinaw umano na ang nangyayari ay isang political accommodation para mabigyan ng pwesto ang mga kongresista na tumulong na mailuklok si Velasco bilang House Speaker.
“It’s a very partisan move. Wala namang malaking nagawa, naging hatian lang ng pera,” paliwanag ni Casiple.
Siyam pang sumuporta kay Velasco sa speakership row ang nauna ng naging deputy speaker, kaya 29 ang kabuuang bilang ngayon ng deputy speaker–ang pinakamataas sa kasaysayan ng Kamara.
Ang siyam na bagong deputy speaker ay sina Arnolfo Teves Jr, Negros Oriental 3rd District; Rimpy Bondoc, Pampanga 4th District; Bernadette Herrera Dy, Bagong Henerasyon; Kristine Singson Meehan, Ilocos Sur 2nd District;Divina Grace Yu, Zamboanga del Sur 1st District; Rogelio Pacquiao, Sarangani; Bienvenido Abante Jr, Manila 6th District at ang dalawang kapwa kinatawan ng Valenzuela na sina 2nd District Rep.Weslie Gatchalian at 1st District Rep Eric Martinez.
Si Teves ang siyang unang nagpalutang sa isyung hindi patas na hatian sa pondo ng mga mambabatas sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano. Subalit nang maipasa ang P4.5-trillion 2021 budget sa ilalim ng pamumuno ni Velasco ay lumitaw na mas tumaas pa ang budget ng mga kongresista na nabigyan ng P650 million hanggang P15 billion bawat isa na infrastructure allocation.
Si Las Pinas Rep. Camille Villar ay itinalaga din bilang deputy speaker subalit tinanggihan nya ito. Sa website ng Kamara ay makikita pa rin ang pangalan ni Villar bilang Deputy Speaker kaya nga’t kung hindi tatanggapin ni Velasco ang kanyang pagtanggi sa pwesto ay nasa 29 ang kabuuang bilang ng deputy speaker.
Ang deputy speakership ay isang plum post sa Kamara dahil bukod sa pagiging senior position ay may kaakibat din ito na mga perks gaya ng budget na P200 million at pagkakaroon ng voting power.
Una nang ipinaliwanag ni UP Political Science Assistant Professor Jean Franco na habang dumarami ang Deputy Speaker ay nadaragdagan din ang gastos ng Kamara. Halimbawa umano, kapag itinalagang deputy speaker ay magkakaroon ng opisina, dagdag na staff at budget.
“Aside from the regular office budget one enjoys simply for being a congressman, you have your own budget you, can have at least 6 staff tapos meron ka pang district staff,” wika ni Franco.
“Pag may committee, that’s additional budget and of course, you’re able to travel, may perks of travelling. Aside from having a staff, you have a budget also sa district office mo,” dagdag niya.
Sa 2017 report ng Commission on Audit, lumilitaw na P4.89 billion ang nagastos sa mga tanggapan ng mga kongresista, ito ay para lamang sa 14 na Deputy Speaker noon na tiyak na higit pa sa doble ang aabutin ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.