Single mom na Cebuana sasabak sa pageant sa Malaysia
Nakatanggap ng maagang pamasko ang isang host at events organizer sa Cebu nang mabalitaan niyang napili siya upang katawanin ang Pilipinas sa isang pandaigdigang patimpalak.
Sasabak sa 2021 Mrs. Tourism Ambassador Universe contest sa Kota Kinabalu, Malaysia, sa Pebrero si Aida Patana, first runner-up sa 2019 Mrs. World Philippines pageant na dinaos sa Paris, France.
“It’s not too late. Happy ako na mga mga ‘Mrs.’ pageant na para sa mga hindi na ‘miss,’” ani Patana sa isang maliit na pangkat ng mga taga-midya sa BBQ Break sa Sta. Mesa, Maynila, ngayong Dis. 5.
“Kaming mga ‘Mrs.’ na may confidence kami na sa amin lang, kaya gusto kong ma-inspire ang mga kapwa ko single mom na maging strong din, kagaya ko,” pagpapatuloy niya.
Mag-isang itinataguyod ng 47-taong-gulang na si Patana ang limang anak nang 14 taon, at hindi siya humingi ng tulong sa hiwalay niyang asawa. May apat na rin siyang apo na nagbibigay sa kanya ng inspirasyong magpursigi.
Sinabi ng national director ng patimpalak na si Rodell Salvador na pinili niya si Patana dahil sa determinasyon nito at taglay na lakas bilang isang babae.
“Hindi tayo pupunta doon para mamasyal lang. Nandoon tayo para manalo, at mag-uwi ng korona,” ani Salvador.
Pinadala ni Salvador sa unang edisyon ng patimpalak sa pagbubukas ng taon si Myla Villagonzalo-Tsutaici, na hinirang bilang Mrs. Tourism Ambassador International.
“I have my full support behind our next representative,” sinabi sa Bandera ni Tsutaichi mula Japan.
Sa patimpalak sa 2021, magkakaroon din ng kategorya para sa mga ginoong 30 hanggang 50 taong gulang, na magtatagisan para sa titulong Master Tourism Ambassador Universe.
Magiging katuwang ni Patana si Gerald Barbacena mula Pasig City, na sumali sa nagdaang Mister Continental Philippines contest.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.