Labi ni April Boy nakaburol sa pag-aaring restobar; Madelyn todo pasalamat kay Duterte
TULAD nga ng napagkasunduan ng pamilya, sa pag-aari niyang restobar nakaburol ngayon ang OPM legend na si April Boy Regino.
Kagabi nagsimula ang unang lamay para sa pumanaw na veteran singer-songwrirer sa Idolstar Restobar na matatagpuan sa Calumpang, Marikina City.
Sa kanyang Facebook account, nag-post ang misis ni April Boy na si Madelyn ng ilang kaganapan sa unang araw ng wake ng singer o Dennis Regino Magloyuan Magdaraog sa tunay na buhay.
Makikita sa mga litrato ang nasabing restobar na puno ng mga puting bulaklak habang naka-display naman sa isang bahagi ng lugar ang naka-frame na litrato ni April Boy pati na ang mga CD niya at mga natanggap na award.
“Maraming Salamat sa aming Mahal na Mahal na Pangulo Duterte na Mula Noon Hanggang Sa Huling Laban Ng Buhay Na aking Aking Mahal na Mahal na Asawa Idol April Boy Regino ay hindi niya ito binitawan.
“Sa hindi po nakakaalam si Tatay Digong po ang nagbibigay buwan buwan para sa maintenance ng mga gamot ni Idol, simula pa nun Mayor pa lang siya hanggang sa naging Presidente na siya.
“Gayundin sa aming Mahal na Senator Bong Go at sa lahat ng nakiramay sa unang gabi at sa lahat ng nakikisampatiya sa fb,messenger, celpon, you tube, mga babasahin at sa ibat ibang programa sa telebisyon at radyo na binigyan siya ng tribute Maraming Salamat po,” ang mensahe ng biyuda ni April Boy.
Nagpaalala rin siya sa mga nais dumalaw sa labi ng asawa na magsuot ng face mask at face shield bilang pagsunod sa health and safety protocols.
Namaalam si April Boy kahapon ng madaling-araw habang nasa isang ospital sa Antipolo City dahil sa chronic kidney disease stage 5 at acute respiratory disease.
Isang cancer survivor din ang OPM icon ngunit matapos gumaling nagkaroon naman siya ng congestive heart failure at nabulag pa ang isang mata dahil sa kumplikasyon sa diabetes.
Dahil sa kanyang kasikatan noong dekada 90, binansagan siyang Idol ng Masa at Jukebox King. Ilan sa mga pinasikat niyang awitin ay ang “‘Di Ko Kayang Tanggapin,” “Umiiyak Ang Puso,” “Esperanza” at “Paano Ang Puso Ko.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.