Ano nga ba ang mga plano ni Miss Earth Nellys Pimentel matapos maisalin ang korona
Kapag naisalin na niya ang korona niya bilang Miss Earth, magpapatuloy si Nellys Pimentel sa pagmomodelo, sinabi niya sa Inquirer Bandera sa isang online interview.
“It is one of my passions,” ayon sa Puerto Rican beauty queen, na dumaig sa 84 iba pang mga kalahok sa 2019 Miss Earth pageant sa Pilipinas. Siya ang unang dilag mula sa Caribbean na nakasungkit sa korona.
Nitong Oktubre, lumabas na siya sa Harper’s Bazaar Vietnam bilang cover model.
Maliban sa pagmomodelo, ipagpapatuloy din umano ni Pimentel ang graduate studies niya sa Psychology.
Nagtapos siyang Magna Cum Laude sa University of Puerto Rico at Rio Pedras na may degree sa Psychology at Marketing.
Walumpu’t apat na kalahok ang nagtatagisan para sa korona ni Pimentel para sa ika-20 edisyon ng Miss Earth pageant. Sumailalim na sila sa serye ng mga preliminary competition at auxiliary contest online, at nakibahagi sa mga virtual discussions mula nitong Setyembre.
Nauna nang sinubukan ng Philippine-based organizer na Carousel Productions ang pagdaraos ng isang virtual pageant sa Miss Philippines Earth nitong Hulyo, na may 33 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Si Roxanne Allison Baeyens ng Baguio City ang nag-uwi ng korona, at ngayon ay kumakatawan sa Pilipinas sa Miss Earth pageant.
Mapapanood ang 2020 Miss Earth pageant virtual coronation ceremonies sa TV5 at sa streaming platform na ktx.ph sa Nob. 29, alas-10 ng umaga. Ipapalabas naman ito sa Facebook page at YouTube channel ng Miss Earth simula alas-12 ng tanghali.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.