Dasal sa Mayo | Bandera

Dasal sa Mayo

- March 17, 2010 - 04:33 PM

Lito Bautista, Executive Editor

Dasal sa Mayo

AMA namin sa langit, humihingi kami ng inyong kapatawaran at gabay sa aming patutunguhan sa Mayo.
Alam naming galit Ka na sa amin dahil binihisan ng ating mga pinuno ang demonyo para maging banal, katanggap-tanggap at kagalang-galang.  Nariyan sila sa lahat ng sulok, sa Malacanang, Senado, Kamara at maging sa aming barangay.
Naglaho na nga ang pansariling kabanalan at baligtad na ang modo natin ngayon.

Pinagkakitaan ng nagpapakilalang banal at mga lider ang mahihirap at tinawag itong kanilang kawan.
Itinaas nila ang antas ng katamaran at binigyan pa ang mga batugan ng relief assistance.
Pinatay nila ang nasa sinapupunan at tinawag itong pagpaplano.
Kinalimutan at tuluyan nang tinalikuran ang pagdidisiplina sa kabataan at tinawag itong pagpapaubaya para makapamili sila ng sarili nilang buhay.
Inabuso ng ibig maging lider at mga lider ang kalayaan at poder at tinawag itong politika.
Inangkin nila ang iba pang lupain at ari-arian at tinawag itong negosyo at ambisyon.
Ikinalat nila ang basura ng dangal at isinaboy sa ere ang kalaswaan at pornograpiya; at tinawag itong kalayaan ng pamamahayag.
Niyurakan nila ang dangal na pamana ng ating mga ninuno at tinawag ang kanilang ipinilit na pambabastos bilang kamulatan.
Ama namin sa langit, buksan mo ang isipan at puso ng lahat ng botante, na sa isipan ay bigyang lakas ang kritikal na panunuri ng lumalabas sa bibig ng mga kandidato; at sa puso ay ibalik ang tunay na pagmamahal sa bayan at hindi sa bayad.
Ama namin sa langit, hugasan mo ang aming mga kasalanan, na sa panahon ng kampanya ay natukso kami sa paanyaya ng sanlibutang politiko dahil sa di matanggihang kasabay na kapalit; nang sa gayon, sa araw na haharap kami sa balota at iitiman ang bilog na hugis itlog, ay ang lider na busilak ang puso at tapat ang damdamin ang aming mapili at di, muli, ang mga nagkukubli sa Iyong basbas, nagpapanggap na walang katiwalian sa buhay at Satanas sa pamamahala.
Amen.

Bandera, 031710

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending