Ryza Cenon hindi alam na buntis habang nag-aaksyon sa ‘Bella Bandida’

Reggee Bonoan |November 22,2020
share this

Ryza Cenon hindi alam na buntis habang nag-aaksyon sa ‘Bella Bandida’

Reggee Bonoan | November 22,2020 - 04:26 PM

HINDI pala alam ni Ryza Cenon na buntis siya habang sinu-shoot ang TV series niyang “Bella Bandida,” isang action drama na idinirek nina Raffy Francisco at Temi Abad.

Mapapanood na ito sa Miyerkoles, Nob. 25 sa TV5, 9:30 p.m. handog ng Viva TV.

Sinundan ni Ryza ang yapak ng kapwa niya Viva talents na sina Anne Curtis at Cristine Reyes pagdating sa action na maituturing na magandang move sa karera niya dahil may iba pa siyang ipakikita.

Ang “Bella Bandida” ay hango sa comic book ng National Artist na si Francisco V. Coching. Gagampanan ni Ryza ang karakter na Annabelle “Bella” Suarez, isang doktor na ang hangad lang ay mapabuti ang kalagayan ng kanyang mga kababayan sa Santiago.

Ang kanyang nobyo na si Konsehal Brick Ortaleza (Josef Elizalde) ay naglalayon ring puksain ang korupsyon sa pulitika. Siya ay hinuhubog na maging susunod na alkalde ng Santiago na pinamumunuan ng tatay niyang si Timothy Gregory Ortaleza (Efren Reyes, Jr) mas kilala bilang “Mayor Tigro.”

Nang malaman ni Bella ang balak nitong magtayo ng minahan ay sinubukan niya itong pigilan dahil sa masamang epektong idudulot nito sa mga tao, lalo na. sa tribong kanyang kinabibilangan.

Ngunit pinagsamantalahan siya ni Mayor Tigro kasama pa ang hepe ng pulisya na si Col. Emmanuel Barbaro (Lito Pimentel) at ang isang propesyonal na mamamatay-tao na si El Pistulero (Rafa Siguion-Reyna).

At para hindi makapagsumbong ay pinatay nila ang dalaga pero hindi sila nagtagumpay dahil nailigtas siya ni AJ Muhlach bilang si Chris na isang rebelde.

Ito na ang pangalawang buhay ni Bella, hindi lang dahil sa tulong ni Chris, kundi dahil sa hiwaga ng diyosa ng buwan at gabi na si May’ari. Binigyan nito si Bella ng kapangyarihan. Siya na ngayon si Bella Bandida.

Taglay ang kakaibang kapangyarihan, at sa suporta ni Chris, handa nang gumanti si Bella sa mga gumahasa sa kanya.

Ngunit sa prosesong ito, may mas malalim na isyung pangkomunidad ang nadiskubre ni Bella kaya’t nagpasya itong gamitin ang kapangyarihan para labanan ang mga hindi makatarungang kaganapan sa bayan ng Santiago.

Kasama rin sa “Bella Bandida” si Sarah Jane Abad bilang Rhoda Velasquez. Mahuhulog ang kanyang loob kay Brick nang mawala si Bella sa eksena.

Kasama rin sa serye si Ara Mina na may importanteng papel sa buhay ni Bella Bandida at sa buong Santiago.

Maganda ang feedback sa trailer ng “Bella Bandida” kaya masaya ang Viva boss na si Vic del Rosario kaya may plano ulit siyang bigyan ng project si Ryza kapag handa na siya uling humarap sa kamera.

Sa kasalukuyan kasi ay ini-enjoy ni Ryza ang pag-aalaga sa anak na si Baby Night na ipinanganak niya noong Okt. 31.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending