Angeline, Boy nagkaiyakan; ‘hiling’ ng mga ina bago pumanaw sinuway
NAGKAIYAKAN sina Boy Abunda at Angeline Quinto nang magkaroon ng madamdaming pag-uusap tungkol sa kanilang pinakamamahal na ina.
Tagos sa puso ang naging paghaharap ng TV host at Kapamilya singer-actress nang mapag-usapan nila ang “hiling” ng kani-kanilang nanay na hindi nila napagbigyan.
Sa recent episode ng digital show ni Angeline na “PadaLOVE” na kinunan habang nasa Intensive Care Unit (ICU) pa ang nanay ng singer na si Mama Bob, inilabas niya ang lahat ng sakit na nararamdaman kay Tito Boy.
Ayon kay Angeline, pinili niyang mag-open up sa TV host dahil alam niyang maiintindihan nito ang kanyang pinagdaraanan at ng tunay na laman ng kanyang puso’t isipan.
Dito, sinabi nga ng dalaga na sinuway niya ang wish ni Mama Bob noong nabubuhay pa ito kapag napagkukuwentuhan nila ang tungkol sa pagkakasakit.
“Na-stroke ho siya last month. And hindi ko naman po inexpect na aabot sa kailangan siya operahan sa utak.
“Eh, every time na nag-uusap kami ng Mama Bob nu’ng malakas pa siya, Tito Boy, na kapag dumating ‘yung panahon na ganyan na kailangan buksan ‘yung ulo ko, kailangan akong lagyan ng tubo, lahat ‘yun naalala ko kasi ‘yun ang sinasabi niya sa akin ‘wag na ‘wag mong ipagagawa…pero kailangan,” simulang pahayag ni Angeline.
Aniya pa, “Kumbaga Tito Boy, ano naman po ‘yung gagawin ko kung ito ba talaga ‘yung purpose ko sa mundo na baka ako talaga ‘yung ibinigay kay Mama Bob na makasama niya kasi ako ‘yung makakatulong sa kanya.”
Napakahirap daw para sa dalaga na tanggapin ang katotohanan na anytime ay maaaring kunin na sa kanya ni Lord ang kinikilalang ina.
“Tito Boy, parang tatay ko kayo. Lahat ng tao alam na si Mama Bob lang ang meron ako. Sobrang bilis po kasi. Parang hindi ako ready na makitang ganu’n ang nanay ko, Tito Boy.
“Wala akong ibang pinagkukunan ng lakas sa trabaho kundi ang Mama Bob. Pero sa harap ng mga tao, kailangan okay ako. Hindi ko gusto ‘yung nakikita ko ngayon, Tito Boy,” emosyonal pang sabi ng dalaga.
Ayon kay Angge, takot na takot siyang mawala sa mundo si Mama Bob, “Kung pwede lang sabihin na ‘wag ‘yung nanay ko, ako na lang kasi mas kaya ko. Tapos may pandemic pa po.
“Natatakot ako Tito Boy kasi ayoko ‘yung naiisip ko na baka bukas wala na ‘yung nanay ko, na wala na ‘yung Mama ko. Lahat ng meron ako ngayon, lahat dahil sa kanya. Iisang tao lang ang nagbigay ng buhay sa akin, walang iba kundi ang Mama ko,” lahad pa ni Angge.
Pigil na pigil din daw ang paglalabas niya ng tunay na nararamdaman nang magkasakit na ang ina, “Sa ospital hindi ko magawang umiyak, sa trabaho hindi ko magawang umiyak. Ngayon lang.
“Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko. Wala akong ibang tao na maisip na makakaintindi sa akin, wala akong ibang maisip kundi kayo lang po.
“Wala po akong ibang makapitan ngayon kundi ang Panginoon. Pero hindi pa po ako dumadating sa punto na nasabi ko sa Diyos na kung kailangan niyo na siya, okay na ako.
“Hindi ko pa kaya, Tito Boy. Alam ko kasi nakikita ko ‘yung Mama ko na patuloy na lumalaban kahit ayaw nila ‘yung mga nangyari sa kanya,” lumuluha nang pahayag ng dalaga.
“Tito Boy, hindi ko naisip na mangyayari ito kay Mama Bob. Ito po ‘yung isa sa mga kinatatakutan ko na mangyari sa buong buhay ko. Pero ang lagi kong sinasabi sa Panginoon, hindi mo ako binigyan ng krus na hindi ko kayang buhatin. Pero isa po ito sa mga krus na binigay niya na napakabigat,” dagdag pang pahayag ni Angeline.
Habang umiiyak ang singer, nagbukas na rin ng kanyang damdamin si Boy Abunda patungkol sa kanyang yumaong ina.
“Alam mo Angge, hindi ko alam kung tama na tayong dalawa ang nag-uusap kasi hanggang ngayon, mag-iisang taon nang wala ang nanay, hindi ko pa rin maintindihan ang maraming bagay.
“Sabi ko nga, sa dami ng librong nabasa ko, sa dami ng mga taong nakausap ko, sa dami ng mga bagay na naaral ko, lahat ‘yan wala akong nahugot noong panahon na nilisan na kami ng nanay.
“Angge, Nanay died in my arms. Katulad mo, tinanong din ako. Dahil buhay ko rin, ‘yun eh. Nagtu-Tonight with Boy Abunda ako, before and after the show, nandoon ako sa hospital Angge, nagbabantay sa tabi.
“Minsan may tubo, minsan tinatanggal. Minsan lumuluha pero hindi na nakikipag-usap. Pero katulad mo, alam niya na nandoon ako,” ayon kay Tito Boy.
“Nu’ng dumating ‘yung araw na tinanong ako ng mga doctor, I’m talking about this for the first time kasi ito ang pinagdadaanan mo eh, meron daw mga papel na kailangan pirmahan na nagsasabing ‘Yes or No’, do not resuscitate. ‘Yung ang isa sa pinakamahinang pagkakataon ng buhay ko, because sinabi ko sa doctor na hindi ko kaya ‘yun,” ang emosyonal na ring kuwento ng TV host.
Aniya pa, “Sinabi ko sa mga doctor na hindi ko kayang gawin ‘yun. Hindi ko kayang pirmahan ‘yun. Kayo ang nakakaalam ng kakayahan ng nanay ko, kayo ang nakakaalam medically, scientifically kung hanggang saan ang tatakbuhin ng nanay ko.
“Hindi ko pinirmahan ‘yun Angge. Hindi ako pumirma. Sabi ko, I will leave it up to you kung sa tingin niyo medically tama. Pero hindi ako pipirma ng kahit na anong papel na kikitil or magpapaikli sa buhay ng nanay ko.
“Ang nanay meron din siyang mga bilin, eh. Pero sinuway ko ‘yun. Kung kailangan may tubo para humaba ang kanyang buhay, ginawa ko. Kung kinakailangan may procedure na gawin para mas madali siyang kumain, ginawa ko ‘yun. Sabi ko ‘Nay, ‘wag ka magagalit sa akin,” lahad pa ni Boy Abunda tungkol sa pagpanaw ng ina noong 2019.
Ang nanay naman ni Angeline ay sumakabilang-buhay last week matapos ang ilang linggong pagkaka-confine sa ICU.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.