Atas ng NTC sa telcos: Madaliin ang pagpapanumbalik ng serbisyo sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Rolly
Inatasan ng National National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng public telecommunications companies na madaliin ang pagpapanumbalik ng serbisyo ng telekomunikasyon sa mga lugar ng lubhang nasalanta ng Bagyong Rolly.
Sa memorandum na ipinalabas ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, sinabi niya na mahalagang agad na maibalik ang serbisyo ng mga telco lalo na sa panahong ito kung saan kailangan ang mabilis na komunikasyon, panunumbalik ng komersiyo at mga negosyo, pagpapatuloy ng distance learning at higit sa lahat para makatugon ang gubyerno sa rescue at recovery operations.
“Please accelerate the mobilization and transport of your respective technical / service personnel and equipment to the affected areas immediately,” wika pa ni Cordoba.
“The Commission will expect status updates every six (6) hours of ongoing restoration activities being performed on your network and facilities and a timeline for the full restoration of service,” dagdag niya.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Lunes, umabot sa 46 na mga siyudad at bayan sa Calabarzon, Mimaropa at Bicol Region ang nakakaranas ng network interruptions dahil sa sa mga nasirang linya ng telekomunikasyon.
Nabatid na pahirapan sa kasalukuyan ang pagpapadala at pagtanggap ng text messages, phone calls at mobile data sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa “multiple fiber cuts” sanhi ng malalakas na hangin na dala ng Typhoon Rolly.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.