“KIM Chiu buhay na buhay ngayong 2020!”
Yan ang ibabandera ng Kapamilya actress-TV host kung siya ang maglalagay ng headline patungkol sa naging journey niya ngayong taon.
Ayon sa dalaga, sa dami ng kontrobersyang pinagdaanan niya nitong mga nakaraang buwan, kabilang na ang isang insidente na muntik na niyang ikamatay, nagpapasalamat siya na buhay pa rin siya at patuloy na lumalaban sa mga challenges.
Sa nakaraang digicon ng horror movie niyang “U-Turn” kung saan gumaganap siyang journalist, natanong nga kung ano’ng headline ang ilalagay niya sa life story niya para sa taong ito.
“Kim Chiu, humihinga pa rin sa 2020!” natawang sagot ng dalaga.
Hirit pa niya, “Ano na lang, ‘Kim Chiu, buhay na buhay ngayong 2020!’ Tama, ‘no? Buhay. Masaya lang ako na after everything, buhay ako!”
Bukod nga sa pagpapasara ng ABS-CBN, marami pang hinarap na pagsubok si Kim this year — ang kontrobersyal na pahayag niyang “bawal lumabas” na talaga namang naging national issue at ang pamamaril sa sinasakyan niyang van na umano’y isang kaso ng mistaken identity.
“Buo ako. Walang daplis, walang dugo… ang dami, emotionally, physically, ang daming gulo — but, ‘Kim Chiu, buhay na buhay sa 2020!’” diin pang pahayag ni Kim.
Sa isa pang interview, sinabi ni Kim na masaya siya dahil sa kabila ng mga kanegahan ay inuulan pa rin siya ng blessings.
“Honestly, it’s overwhelming, ‘yung mga nangyayari. Parang, ‘Shocks, nangyayari ba talaga ‘tong sabay?’ Siyempre, not complaining kasi ang haba rin ng ipinahinga natin, simula noong March.
“Ang daming nangyari noong mga panahon na ‘yun. Lahat tayo, ako, nag-aalala kung ano ang mangyayari, ano’ng next nito? Magtatrabaho pa ba ako? Ang daming mga worries na ngayon ay napunan na.
“Ang daming ginagawa, but at the same time I’m very happy, I’m very grateful sa mga opportunities na ibinibigay sa akin ng Kapamilya channel,” lahad ng aktres.
Pahabol pa niya, “Happy lang and very thankful with everything that is unfolding in these last months.
“Masyadong mabigat ‘yung taon na ‘to. Totoo nga ‘yung sabi na umiikot talaga ang kapalaran, hindi ka laging nasa baba. Ngayon, dahan-dahan na ulit na umaakyat,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.