Ion iyak nang iyak sa 2nd anniv nila ni Vice: Ang sarap nu’ng naging free tayo, tanggap tayo ng tao…

Ervin Santiago |October 26,2020
share this

Ion iyak nang iyak sa 2nd anniv nila ni Vice: Ang sarap nu’ng naging free tayo, tanggap tayo ng tao…

Ervin Santiago | October 26,2020 - 01:41 PM

BONGGA ang naging selebrasyon  nina Vice Ganda at Ion Perez para sa kanilang second anniversary bilang magdyowa.

Ginanap ito sa Enchanted Kingdom kahapon kasama ang ilan sa malalapit nilang kaibigan, kabilang na ang mga komedyanteng sina Negi, MC at Lassy.

Walang ibang tao sa nasabing theme park na matatagpuan sa Sta. Rosa, Laguna kaya naman lahat ng trip nilang gawin sa kanilang espesyal na araw ay nagawa nila.

“October 25 is a very important day because it’s our anniversary. Yes, two years na tayo. Dahil espesyal ang araw na ito, of course, we need to celebrate.

“Ito ay isang bagay na worth ng isang selebrasyon. Kaya naman ise-celebrate natin sa espesal na lugar kung saan feeling namin ay magiging masaya kaming dalawa at masaya kami dahil pinayagan nila kami na dito i-celebrate ang anniversary namin,” ang simulang pahayag ng TV host-comedian sa kanyang latest vlog sa YouTube.

Dokumentado sa nasabing video mula pag-alis nina Vice at Ion sa bahay hanggang sa pagsakay nila sa iba’t ibang rides sa nasabing theme park at ang madamdaming palitan nila ng love message sa isa’t isa.

Agad namang nilinaw ni Vice na dumaan sila sa tamang health at safety protocols bago nagtungo sa EK, kabilang na ang pagpapa-swab test. Dumaan din sila sa mandatory health check at sinunod lahat ng new normal rules sa EK.

“Hindi siya operational, walang kliyente o turista. Kaming dalawa lang (ni Ion) at saka ang staff namin,” chika ni Vice.

Lumafang din ang magdyowa habang nakasakay sa ferris wheel. Sey ni Ion kay Vice, “Ang sarap nu’ng naging free tayo, tanggap tayo ng tao, kahit may ilan na hindi pa rin.”

Sagot naman sa kanya ng TV host-comedian, “Ang pinakamasaya sa akin na nangyari ay nagdesisyon tayo na panindigan ito kahit hindi naman tayo sigurado kung ano ang magiging reaksiyon ng ibang tao.

“Kasi maraming beses na iniisip ko ang magiging reaksiyon ng mga tao. At dahil iniisip ko ‘yon ay huwag na lang kasi natatakot ako.

“Dumating tayo sa point na wala na tayong pakialam kung ano ang reaksiyon niyo bahala na kayo basta tayo itutuloy natin ito, kasi ito ang gusto natin,” lahad pa niya.

“Napakapalad ko na ‘yung ininda mo at nalampasan mo ‘yon, na hindi ka nasira ng mga pananakit na ginawa nila sa iyo.

“Maraming beses in the past mayroon akong mahal pero wala silang sapat na lakas at tapang na panindigan. Makita lang na kasama, takot na takot. Makitang nakahawak, takot na takot.

“‘Yung iba nga makita lang na kasama ako, takot na sila, lalo pa kaya kung minahal nila ako. Kung takot silang makitang kasama ako, mas takot silang mahalin ako. Natatakot silang mahalin ako kasi alam nila huhusgahan sila, ayaw nila.

“Isa-isa nila akong tinatalikuran pero ikaw ang lakas mo lang talaga. Sobrang lakas mo at kahit mga kaibigan ko ay hangang-hanga sa iyo. Sabi, ang tatag ni Ion. Grabe ang heart at grabe ang love. Thank you,” mensahe pa niya kay Ion.

Hindi naman napigilan ni Ion ang maiyak habang pinanonood nila ang music video ng bagong kanta ni Vice na “Mahal Ako ng Mahal Ko” na isinulat nila ni Moira dela Torre.

“Ang damdamin ko naikuwento ko siya sa isang tula. Tapos ‘yung tula ginawa kong kanta. Pinakiusapan ko si Moira kung pwede niya akong tulungan na ‘yung tula na ginawa ko para sa iyo ay maging kanta,” sabi ni Vice kay Ion.

“Para marinig ng maraming-maraming tao. Tumanda man tayo, mawala man tayo, hindi mawawala ang kuwento natin kasi patuloy na maririnig ang kuwento na ‘yon sa pamamagitan ng kanta. Hangga’t may isang taong magpapatugtog ng kanya na ‘yon,” aniya pa.

Sa huli, niyakap na lang ni Ion si Vice habang umiiyak tanda ng pasasalamat nito sa kanyang partner.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending