Loisa napaiyak sa sobrang hirap ng buhay: Pinaka-challenge talaga yung walang work
PILIT na nagpapakatatag ang Kapamilya youngstar na si Loisa Andalio bilang breadwinner sa kanilang pamilya.
Hangga’t maaari ay ayaw niyang ipakita sa mga magulang at kapatid ang nararamdamang takot at pag-aalala ngayong wala pa rin siyang regular na trabaho sa ABS-CBN.
Makakasama sana sila ng kanyang boyfriend na si Ronnie Alonte sa upcoming Kapamilya series na “Bagong Umaga” ngunit bigla nga silang nawala sa eksena kasabay din ng pagkakatanggal kay Julia Barretto sa nasabing proyekto.
Ngunit gaano man katapang si Loisa, bumigay din siya at napaiyak habang nagkukuwento tungkol sa pagkawala ng trabaho ngayong panahon ng pandemya.
“Pinaka-challenge talaga yung walang work. Bilang breadwinner, di ba, mahirap. Ikaw yung inaasahan ng family mo,” simulang pahayag ng dalaga sa “Magandang Buhay.”
“Kasi, kumbaga, ikaw yung may pinaka-okay na trabaho noon, e. Tapos biglang wala. Tapos sila (mga kapatid) din naman, yung sinusuweldo ng mga kuya ko, tama lang naman sa mga anak nila din. So, mahirap, sobrang hirap,” pag-amin ng dalaga.
Ngunit sa kabila nito, ayaw ipakita ng young actress sa pamilya ang takot na nararamdaman. Tanging sa boyfriend niyang si Ronnie ang napaghihingahan niya ng problema.
“Napag-uusapan namin yung sitwasyon. Yung parang, ‘Hindi talaga natin alam, ‘no?’ Hirap. Mahirap din kasi sa family, kumbaga, kami yung parang strength, edukasyon, pagkain, lahat.
“Parang ayaw namin sila din yung mag-alala din. Ayaw namin silang matakot,” sey ng aktres na tuluyan nang napaiyak.
Patuloy niya, “Kumbaga, hindi din namin pinapakita. Baka malaman nila, ‘Ay, may ganyan pala si Loisa.’ Kumbaga, hirap.
“Pero mas pinapakita ko sa family ko, ‘Wala ito, okay lang ito. Okay lang wala akong trabaho, huwag n’yong isipin.’ Pero deep inside, hindi okay, e,” lahad pa niya.
Ang iniisip na lang daw niya ngayon ay ang pagiging healthy sa gitna ng health crisis at kahit paano’y may naipon siya, “Ako nga, may bahay ako, nakakakain naman kami. Paano kaya yung isang kahig isang tuka, na mga tao?
“Kaya hindi ko na din iniisip yung sarili namin. Kumbaga, mas thank you na lang talaga kasi healthy yung family, walang may sakit.”
Narito naman ang mensahe niya sa kanyang pamilya at sa lahat ng pamilyang Pinoy, “Pinipilit ko silang sabihan na, ‘Okay lang iyan, malalagpasin natin ito.’
“Kumbaga, pagsubok din lang talaga ito, e. Kumbaga, laging dumadaan yung ganitong nangyayari sa mundo. Kailangan din mo lang talagang magtiwala.
“At saka itong quarantine din, nagpapalapit sa atin sa Diyos. Kumbaga yun na din lang talaga yung pinanghahawakan ko, yung mga pangako Niya.
“Lagi kong sinasabi, kumbaga, ito yung buhay, kumbaga, kailangan lang nating i-enjoy. Huwag kayong mai-stress kung anumang problema. Problema lang iyan.
“Ang isipan n’yo lang, malakas ka, malakas tayo. Ang pamilya ko kasi sobrang masayahin talaga. Sila, hindi rin nila iniinda kung anu-ano. Ganyan lang, stay strong,” sabi pa ni Loisa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.