Prank ni Jak kay Barbie palpak: Ano bang gusto mo cool off o breakup?
ISANG lumuluhang Jak Roberto ang humarap sa publiko sa pamamagitan ng latest YouTube vlog niya kahapon.
Nagpaliwanag ang Kapuso hunk sa kanyang YT subscribers kung bakit hindi na siya masyadong nagpo-post ng mga litrato nila ng kanyang girlfriend na si Barbie Forteza sa social media.
“Hello guys, sa mga nagtatanong ho ng updates sa amin ni Barbie, siguro napapansin n’yo ‘di kami masyado nagpo-post sa Instagram, sa social media, tungkol sa aming dalawa,” ang bungad na pahayag ni Jak sa kanyang vlog.
“Hindi ko alam kung papaano sasabihin. Kaya ho kami nawalan ng updates sa isa’t isa kasi…di ko alam kung may nasabi ba ako. Sorry, guys ha,” aniya pa.
Sumunod na eksena, ipinakita ni Jak ang BTS (behind-the-scenes) footage ng nangyari sa kanila ni Barbie pagkatapos daw ng interview sa kanila sa “24 Oras” ng GMA 7.
Sa video, very obvious na galit si Jak kay Barbie dahil nakabusangot ang mukha niya at malayo sa dalaga. Sabi ng binata, nag-ugat ang tampuhan nila nang bumalik ang girlfriend sa lock-in taping ng seryeng “Anak Ni Waray Vs. Anak Ni Biday.”
“Alam mo ba, noong taping mo, napakabihira mo kayang mag-message. Naiintindihan ko naman nagtratrabaho ka. Minsan kapag gabi, pagod ka na. Sige, okay lang.
“Pero sa mga second week, third week, nasanay na ako, okay naman pala na ganito.
“Huwag kang mag-text, e, di sige, hindi rin ako magte-text, di ako magme-message sa ‘yo. Wala lang, parang na-enjoy ko lang yung moment na solo, wala akong iniintinding i-message na girlfriend,” pahayag ni Jak.
Hirit pa niya, “Gusto mong mag-cool off muna? Kasi, parang ganun yung nararamdaman ko. Baka gusto mo ng space.”
Banat naman ni Barbie kay Jak, “Sabihin mo, ang gusto mo cool off? Cool off o breakup? Diretsuhin mo ako, sa ‘yo naman manggagaling.
“Ako, wala naman akong ere sa katawan, wala naman akong isyu sa ‘yo. Ikaw ang dada nang dada diyan.
“Ang cool off kasi, tayo pa rin, hindi lang tayo mag-uusap. Ang breakup, wala na talaga. Anong gusto mo? Gusto mo bang tayo pa din o ayaw mong tayo na?” ang medyo naguluhan ding chika ni Barbie.
Pero sa ending, inamin ni Barbie na nabuking na niya si Jak na isa lamang prank ang paandar nito kaya sinakyan na lang niya nang bonggang-bongga.
Kaya ang balak ni Jak na paiyakin si Barbie ay isang epic fail.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.