Sunshine, Gabby pareho ang wish ngayong Pasko; The Clash season 3 trending
TULAD ng halos lahat sa atin, wish din nina Sunshine Dizon at Gabby Eigenmann ngayong darating na Kapaskuhan ang matapos na ang COVID-19 pandemic.
Ang dalawang Kapuso stars ang bibida sa upcoming fresh episode ng “Wish Ko Lang!” ngayong Sabado (Oct. 10).
Sa isang panayam, natanong sila kung ano ba ang inaasam-asam nila ngayong Pasko at pareho nga ang wish nila hindi lang para sa kanilang mga sarili kundi para sa lahat ng Pinoy.
“Sana matapos na ang pandemic at bumalik na sa normal lahat,” sabi ni Sunshine. Aniya, siguradong ito rin ang ultimate hiling ng lahat para matapos na ang paghihirap ng lahat, lalo na yung mga nawalan ng mga mahal sa buhay pati na ng kabuhayan.
Para naman kay Gabby, “Dalawa lang ang wish ko — ang matapos na ang pandemya at maging normal na ang buhay natin at higit sa lahat makasama ang mga mahal natin sa buhay nang masaya at malusog.”
Samantala, parehong nanibago sina Sunshine at Gabby sa taping para sa new episode ng “Wish Ko Lang!” Para kay Sunshine, unforgettable sa kanya ang buong “experience of dealing with the new normal”.
“Una sa lahat ang makabalik sa trabaho, medyo kailangan masanay sa bagong normal,” ang sabi naman ni Gabby.
“Unforgettable yung naka-mask ka habang nagba-blocking. Sa mga eksena naman ay yung natabunan kami ng lupa,” aniya pa.
Pinamagatang “Nilamon ng Lupa” ang upcoming episode ng “Wish Ko Lang” kung saan makakasama rin nila sina Klea Pineda at Kelvin Miranda.
Kuwento ito ng pamilyang naging biktima ng isang sinkhole at mapapanood na ngayong Sabado (Oct. 10), 4 p.m. sa GMA.
* * *
Inabangan at tinutukan ng Kapuso viewers ang premiere ng season 3 ng all-original musical competition ng GMA Network na “The Clash”.
Nitong nagdaang Sabado, top-trending topic nationwide sa Twitter ang official hashtag na #TheClash2020.
Sey ng netizens, world-class talaga ang stage at opening performance na inihandog nina Clash Masters Rayver Cruz at Julie Anne San Jose, Journey Hosts Rita Daniela at Ken Chan, at ng Clash Panel na sina Lani Misalucha, Christian Bautista at Ai Ai delas Alas.
Nagpabilib din ang mga unang Clashers na sumalang sa arena, at mula sa 30 ay 24 na lang ang natitira para maglaban-laban. Anu-ano kayang twists ang nag-aabang para sa kanila?
Huwag palalampasin ang “The Clash Season 3” tuwing Sabado (7:15 p.m.) at Linggo (7:45 p.m.) sa GMA!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.