Bea may chandelier sa banyo; kwarto parang penthouse suite ng 5-star hotel | Bandera

Bea may chandelier sa banyo; kwarto parang penthouse suite ng 5-star hotel

Reggee Bonoan - October 04, 2020 - 03:17 PM

NAKAKALOKA! May mamahaling chandelier sa kanyang banyo si Bea Alonzo.

Tulad sa naunang bahagi ng house tour ni Bea ay inabangan talaga ng kanyang subscribers ang ikalawang bahagi nito.

Ipinakita niya rito ang 2nd at 3rd floor area kung saan matatagpuan ang kanyang mala-hotel na kuwarto, guest room, family room, sauna at hallway paakyat at ang paborito niyang family wall.

Bungad ng aktres, “This is the hallway of my second floor and also my family wall (nakalagay ang larawan ng buong pamilya kasama na ang kanyang fur baby).”

At dahil mag-isa na lang si Bea sa bahay dahil ang kapatid niyang lalaki ay may sariling pamilya na rin at ang mama naman niya ay nasa Zambales na siyang namamahala ng kanilang negosyo ay tinitingnan niya ang mga larawan kapag nami-miss niya ang mga ito.

“When I look at these pictures actually reminds me of what is really important in life.  I’m lucky to have a family who are very, very supportive, who are very loving especially my mom, she’s been my rock and sa lahat ng pinagdaanan ko baka hindi ko na-survive if not for her, thank you mama!” saad ng dalaga.

Ang sumunod na tour ay ang napakalaki niyang kuwarto na para kang pumasok sa penthouse suite ng isang hotel.

“This is my room, I kept it really simple it’s very different from my previous room back in 2012, very bright, white and beige ang theme and it looks like a red scarlton room.

“Gusto ko na mas chill, mas humble and functional because this is the room where I spent most of my time. This is where I relaxes and rejuvenates,” paglalarawan ni Bea sa kanyang napaka-cozy at sosyal na kuwarto.

Kung ang unang palapag ay mala-museum sa rami ng art pieces ay ibang concept naman ang ikalawang palapag ng bahay ni Bea.

Agaw-pansin ang malaking puting painting na ang kulay lang ay ang subject na nakasabit sa ulunan ng kama ng dalaga. Kuwento niya, painting iyon ng isang babae na nakahiga pero nang i-deliver na sa kanya ay may kasama nang lalaki.

“Isang babae lang ang nakahiga but then when it came to my house may lalaki na, so tinanggap ko naman, sabi ko, sige,” kinilig na sabi ni Bea.

Isa-isa ring ikinuwento ng aktres ang ibang accent designs na makikita sa kuwarto niya.

Nakakalula ang kanyang banyo, “This is my bathroom (puti at beige color), I didn’t renovate at all and nothing fancy (natawa), nothing fancy pero (sabay turo ng chandelier na nakatapat sa bathtub). Ha-hahaha! Ano Bea? This is my bathtub. I use it all the time.”

Ipinakita rin niya ang vanity area kung saan may cabinet para sa isang brand ng mamahaling pabango bukod pa sa isang secret cabinet with sliding door na naglalaman naman ng perfume collections niya. Neroli candle lang ang nasa ibabaw ng vanity top nito.

Inilibot din niya ang mga mata ng YouTube subscribers niya sa shower room, walk-in closets/dressing room kung saan nakalagay ang mga koleksyon niya ng mamahaling bags/purses, sapatos, iba’t ibang sunglasses at facemasks.

Nabanggit din ng aktres na marami siyang pina-garage sale na bags at ang napagbentahan ay ibinigay niya sa isang charity foundation.

May malaking painting na mukha ni Bea na regalo ni Aga Muhlach sa kanya dahil nga collector din ang aktor at hiniritan siya ng naging leading lady niya sa pelikulang “First Love” na idinirek ni Paul Soriano mula sa Ten17 Productions.

Ang guest room naman ang sumunod na ipinakita ng dalaga na may twin bed na hawig din ng disenyo halos ng kuwarto niya.  Ang nasabing kuwarto ay dating room ng kapatid niyang lalaki, pero dahil nag-asawa na kaya ginawa na niya ito para sa mga guests.

“I miss my brother noong dito pa siya nakatira kasi ‘yung balcony from this room to my room are connected and then kapag manggagaling ako sa taping maririnig ko nandoon siya sa balcony, we would just hang out there sometimes, we’ll have a glass of wine,” balik-alaala ni Bea nu’ng kasama pa niya ang kapatid.

Sa ikatlong palapag ng bahay ni Bea ay matatagpuan ang family room kung saan sila nagka-karaoke at nanonood ng pelikula kasama ang pamilya at mga kaibigan na pinagawang soundproof para hindi makaistorbo sa kapitbahay.

Kumpleto na ang nasabing room dahil may mini kitchen kung saan nakalagay ang fridge, microwave, mini-bar at iba pa para hindi na kailangang bumaba kung nagugutom.

At dahil sa pandemic kaya hindi na nagpupunta ng gym si Bea kaya kinumpleto na niya ang mga gamit doon.

Isa sa paborito naming parte ay may sariling bathroom at spa ang gym ng aktres kaya sabi niya pagkatapos niyang magpapawis ay doon ang diretso niya.

“After gym, before shower, I use this sauna, I use it a lot these days because we have more time.  It’s almost a bathroom with spa. That’s what I want to feel whenever I’m here,” kuwento ng dalaga.

Sa loob lang ng 19 hours matapos i-upload ni Bea ang vlog para sa kanyang house tour part 2 ay umabot na ang views nito sa 700,000.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hmmm, teka curious kami kung sino ang videographer ni Bea kasi hindi man lang niya pinasalamatan ito.  Naisip naming bigla na hindi kaya taong malapit sa kanya ang kumuha nito kaya hindi niya binanggit ang name?

Ang taong binabanggit namin ay mahilig din mag-video at mag-picture base sa mga post nito sa kanyang Instagram account.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending